Inilabas nitong Martes, Nobyembre 26, 2019 ng Xinhua News Agency ng Tsina ang komentaryong pinamagatang "Pagpigil sa karahasa't kaguluhan at pagpapanumbalik ng kaayusan, komong hangarin ng lipunan ng Hong Kong."
Tinukoy ng artikulo na magkakasunod na kinondena kamakailan ng iba't ibang sirkulo ng lipunan ng Hong Kong ang pagpapatibay ng Kongreso ng Amerika ng Hong Kong Human Rights and Democracy Act of 2019. Anito, sa kasalukuyan, nahaharap ang Hong Kong sa isyu ng pagpigil sa karahasan at kaguluhan, at pagpapanumbalik sa kaayusan sa lalong madaling panahon, sa halip na isyu ng karapatang pantao at demokrasya.
Anang artikulo, nitong nakalipas na mahigit 5 buwan, ang tuluy-tuloy na pagkaganap ng mga radikal na karahasan at krimen sa Hong Kong ay grabeng yumurak sa pangangasiwa alinsunod sa batas at kaayusang panlipunan, nakasira sa kasaganaan at katatagan ng Hong Kong, at humamon sa baseline ng prinsipyonng "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Diin ng komentaryo, hinding hindi pinahihintulutan ng anumang sibilisadong lipunan, batay sa pangangasiwa alinsunod sa batas ang karahasan, at ang pagtutol sa karahasan ay komong hangarin ng iba't ibang sirkulo ng Hong Kong. Anito, sa ilalim ng suporta ng pamahalaang sentral at 1.4 bilyong kababayang Tsino, at magkasamang pagsisikap ng mahigit 7 milyon residente sa Hong Kong, tiyak na mapapanumbalik ng Hong Kong ang katatagan at katahimikan.
Salin: Vera