Sa kanyang pagdalaw sa Myanmar, kinatagpo kahapon, Sabado, ika-7 ng Disyembre 2019, sa Nay Pyi Taw, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ng mga opisyal ng Myanmar na kinabibilangan nina Pangulong Win Myint, State Counsellor Aung San Suu Kyi, at iba pa.
Sinabi ni Wang, na ang susunod na taon ay ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Myanmar. Umaasa aniya ang panig Tsino, na masasamantala, kasama ng Myanmar, ang pagkakataong ito, para palakasin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, at pasulungin sa bagong lebel ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa. Ipinahayag din ni Wang ang pagkatig ng Tsina sa Myanmar sa pagtahak nito sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayan, at pagpapasulong ng pambansang rekonsilyasyon.
Ipinahayag naman ng mga opisyal ng Myanmar ang kahandaan, kasama ng Tsina, na pasulungin ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative, at palakasin ang koordinasyon sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Umaasa rin anila ang Myanmar na patuloy na magkakaroon ng pagkatig ang Tsina.
Salin: Liu Kai