Pagkaraang mapaslang si General Qassem Soleimani ng Iran sa pag-atake ng tropang Amerikano, lumalala ang maigting na relasyon sa pagitan ng Amerika at Iran. Pagkaraang kilalanin ang tropang Amerikano bilang "teroristikong organisasyon," inilunsad Miyerkules ng madaling araw, Enero, 8, 2020 ng Iran ang mahigit sampung missile sa base ng tropang Amerikano sa Iraq, at sinabi nitong 80 katao ng panig Amerikano ang nasawi sa nasabing missile attack. Ipinahayag naman ng panig Amerikano na tinatasa nito ang mga nasawi at kapinsalaan, at ipinatupad na ang ban sa paglilipad sa mga rehiyong gaya ng Persian Gulf.
Ikinababahala ng buong daigdig ang patuloy na pagtaas ng ostilong damdamin sa Gitnang Silangan. Sa kasalukuyan, inilikas o binawasan ng maraming bansa ang mga tauhan ng mga organong diplomatiko sa ilang bansa sa Gitnang Silangan, at ipinadala ang travel alert sa kani-kanilang mga mamamayan. Nakakaranas ang pandaigdigang pamilihang pinansyal ng malaking plaktuwasyon, at mabilis na tumaas ang presyo ng ginto at crude oil. Kung lalala pa ang alitan ng Amerika at Iran, maaaring maganap ang pagpapalitan ng putok, mas maraming inosenteng mamamayan ang mamamatay sa digmaan, hindi uunlad ang kabuhaya't lipunan, at magiging mas malayo ang pagsasakatuparan ng kapayapaan sa Gitnang Silangan. Mahalagang mahalaga para sa buong mundo ang paggarantiya sa kapayapaa't katatagan ng rehiyon ng Gitnang Silangan.
Ayon sa artikulong inilathala nitong Lunes, Enero 6, sa magasing Foreign Policy ng Amerika, nitong nakalipas na mahigit 10 taon, paulit-ulit na ipinagdiinan sa mga patakaraang diplomatiko ng Amerika na kung walang Amerika, sasadlak sa kaguluhan ang Gitnang Silangan. Pero batay sa kasalukuyang kalagayan, ang Washington ay posibleng pangunahing tagapagsabotahe sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Bilang napakahalagang estratehikong rehiyon sa daigdig, ang kalagayan sa Gitnang Silangan ay nakakaapekto sa kalagayan ng buong mundo. Ipinahayag ng Iran na sa kasalukuyan, natapos na ang aksyong pandepensa, at ang digmaan ay hindi nito plano. Kaya, dapat magtimpi ang Amerika at bumalik sa lalong madaling panahon sa landas ng pagresolba sa mga problema sa pamamagitan ng diyalogo. Ang pagpapasulong sa pagpapahupa ng maigting na kalagayan sa Gitnang Silangan ay makatarungang pagpili at pinakapangkagipitang tungkulin na makakabuti sa iba't ibang panig.
Salin: Vera