Nangulo nitong Linggo, Enero 26, 2020 si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa pulong ng leading group ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng pneumonia na dulot ng bagong uri ng coronavirus. Ibayo pang isinaayos sa nasabing pulong ang gawain ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya.
Tinukoy sa pulong na dapat ipauna ng mga pamahalaan at komite ng CPC sa iba't ibang antas ang kaligtasan ng buhay at kalusugan ng mga mamamayan, at isagawa ang mas mabisa, maayos at siyentipikong hakbangin upang pigilan ang pagkalat ng epidemiya.
Hiniling sa pulong na dapat palakasin ang pagmomonitor sa epidemiya, mahigpit na ikuwarentina ang mga kumpirmadong nahawahan ng bagong uri ng coronavirus, at ikuwarentina at suriin ang mga pinaghihinalaang kaso at mga taong may mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga kumpirmadong kaso, ayon sa kahilingang medikal. Dapat ipagbaliban at bawasan ang mga pulong at malalaking aktibidad. Dapat ipatupad ang mga hakbangin ng pagsusuri at pagkontrol sa mga lugar at sasakyang pampubliko. Dapat lubos ding pahalagahan ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya sa kanayunan.
Diin sa pulong, dapat napapanahon, hayagan at maliwanag na isapubliko ang mga impormasyong may kinalaman sa pagpigil sa epidemiya, at palakasin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa World Health Organization (WHO) at mga kaukulang bansa't rehiyon.
Salin: Vera