Sa ika-33 African Union Summit na ginaganap sa Addis Ababa, Ethiopia, magkakasunod na nagpahayag ng suporta ang mga kalahok na lider ng United Nations (UN) at African Union (AU) sa pagpuksa ng Tsina sa epidemiya ng novel coronavirus pneumonia (NCP). Naninindigan silang pigilan ang mga mapamaslang na kilos at pananalita, at pagkalat ng tsismis.
Ipinahayag nitong Sabado, Pebrero 8, 2020, ni Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN, na ginawa ng Tsina ang pagsisikap sa abot ng makakaya para kontrolin ang epidemiya. Dapat aniyang magbukluk-buklod ang komunidad ng daigdig para magkasamang puksain ang epidemiya. Nagbabala rin siya sa tagalabas na huwag dumungis at umatake sa pagpuksa ng Tsina sa epidemiya.
Sinabi naman ni Tijjani Muhammad-Bande, Tagapangulo ng Ika-74 na Pangkalahatang Asambleya ng UN, na sa harap ng epidemiya ng NCP, dapat palakasin ang pagkakaisa at kooperasyon, at iwasan ang tsismis. Hinangaan din niya ang kilos ng Tsina sa pagpapalabas ng mga impormasyon ukol sa epidemiya.
Sa panahon ng nasabing summit, inilabas ng Lupong Tagapagpaganap ng AU ang komunike bilang suporta sa pagsisikap ng Tsina laban sa epidemiya. Anang komunike, nananalig ito sa kakayahan ng Tsina sa pagharap sa mga hamong dulot ng epidemiya.
Salin: Vera