Vientiane — Sa kanyang pakikipagtagpo Miyerkules ng gabi, Pebrero 19, 2020 kay Lim Jock Hoi, Pangkalahatang Kalihim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang aktibong pagtataguyod ng ASEAN Secretary-General sa Espesyal na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN, ay lubos na nagpapakita ng mabuting damdamin ng Sekretaryat ng ASEAN at matatag na suporta nito sa Tsina sa pakikibaka laban sa epidemiko ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Wang na ang pampublikong kalusugan ay komong usapin ng komunidad ng daigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa ASEAN sa larangang ito para mapayaman ang nilalaman ng relasyong Sino-ASEAN.
Lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang ginagawang mahalagang papel ng ASEAN Secretariat, at umaasa siyang patuloy nitong pamumunuan at kokoordinahin ang ASEAN sa buong tatag na paggigiit ng mapagkaibigang patakaran sa Tsina, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Lim Jock Hoi na ang Tsina ay mahalagang estratehikong katuwang ng ASEAN. Lubos aniyang hinahangaan ng ASEAN ang palagiang pagkatig ng Tsina sa konstruksyon ng integrasyon ng ASEAN, at sa namumukod na katayuan ng ASEAN sa mga suliraning panrehiyon. Sa harap ng kalagayang epidemiko ng COVID-19, matatag na pinapanigan ng ASEAN ang Tsina, dagdag pa niya.
Salin: Lito