Sa kanyang talumpati sa pulong ng Pirmihang Lupon ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), sinabi nitong Miyerkules, Pebrero 26, 2020 ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC at Pangulo ng bansa, na lumalawak ang positibo't bumubuting tunguhin ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) ng Tsina, at patuloy na pinapabilis ang pagpapanumbalik ng pag-unlad ng kabuhaya't lipunan.
Sa kabila nito, nananatiling masalimuot at matindi pa rin ang kalagayan ng epidemiya sa Lalawigang Hubei at Lunsod ng Wuhan, at hindi dapat ipagwalang-bahala ang panganib ng pagbalik ng epidemiya sa ibang lugar, dagdag niya.
Diin ni Xi, dapat patuloy na palakasin ng bansa ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, at pag-ibayuhin ang iba't ibang gawaing may kinalaman sa pag-unlad ng kabuhaya't lipunan.
Tinukoy sa pulong na dapat patuloy at mahigpit na makipagtulungan sa World Health Organization (WHO), pahigpitin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang bansa, at ibahagi sa kanila ang karanasan sa pagpigil sa epidemiya, upang magkasamang pangalagaan ang seguridad ng kalusugang pampubliko ng rehiyon at daigdig.
Salin: Vera