Nitong Martes, Marso 2, local time, 2020, ipinatalastas ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos ang ipapatupad na limitasyon sa bilang ng mga tauhang Tsino mula sa 5 Chinese media sa Amerika. Ito ay ibayo pang paninikil ng panig Amerikano sa mga mediang Tsino, kasunod na pagsasagawa ng mga hakbanging gaya ng pagrerehistro ng "ahenteng dayuhan" at paglakip sa listahan ng "dayuhang misyong diplomatiko." Ang pagsasagawa ng panig Amerikano ng walang batayang aksyong nakatuon sa mga mediang Tsino ay tunay na paninikil na pulitikal at news hegemonism, sa halip ng umano'y upang mapangalaan ang "kalayaan ng pamamahayag."
Ayon sa panig Amerikano, ito ay ganting hakbangin sa Tsina. Pero sa katunayan, hindi kailanmang itinakda ng Tsina ang limitasyon sa bilang ng mga media organizations at tauhan ng mga American media sa Tsina. Sa kasalukuyan, may 29 media sa Tsina ang Amerika, pero 9 lang ang bilang ng mga mediang Tsino sa Amerika. Maaaring paulit-ulit na pumasok sa Tsina ang mga mamamahayag na Amerikano, pero isang beses lang puwedeng pumasok sa Amerika ang mga mamamahayag na Tsino.
Nitong nakalipas na mahabang panahon, pinatingkad ng mga pangunahing media ng Tsina ang mahalagang papel sa pagpapasulong sa kamalayan ng Tsina sa daigdig, at pag-unawa ng daigdig sa Tsina. Sa kabilang banda naman, pinag-uukulan ng ilang mediang Amerikano ng pokus at oras ang pagdungis at pagbatikos sa Tsina. Higit sa lahat, hayagang sinuportahan ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika, ang ulat ng Wall Street Journal na nang-insulto sa Tsina. Ito ba ang umano'y "kalayaan ng pamamahayag" na palagiang ipinakakalat ng panig Amerikano?
Hindi mahahadlangan ang pag-unlad ng Tsina. Kung igigiit ang kaisipang konprontasyonal ng Cold War, at tataliwas sa galaw ng kasaysayan, saka lamang makakapinsala ito sa normal na people-to-people exchanges ng Tsina at Amerika, at makakasira sa sariling kapakanan ng Amerika sa bandang huli. Hinihimok ng Tsina ang panig Amerikano na iwasto ang maling pananalita at aksyon, at huwag isagawa ang mapanganib na larong ito.
Salin: Vera