Sa preskon ng White House nitong Lunes ng hapon, Marso 16, 2020, inilabas ang mas mahigpit na patnubay sa pagpigil sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Sinabi sa preskon ni Pangulong Donald Trump ng Amerika na posibleng tumagal hanggang Hulyo o Agosto ang epidemiya ng COVID-19. Iminungkahi niya sa mga mamamayang Amerikano na sa darating na 15 araw, huwag sumali sa anumang pagtitipun-tipon na may mahigit 10 taong kasali. Aniya, ang bawat tao ay may mahalagang papel sa pagpigil sa pagkalat ng epidemiya.
Saad ni Trump, maaring maganap ang resesyon sa kabuhayang Amerikano. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na inamin ni Trump ang posibleng epekto na dulot ng pagsiklab ng epidemiya ng COVID-19.
Ang tuluy-tuloy na pagkalat ng epidemiya ng COVID-19 sa Amerika ay nakatawag ng malawakang pagkabahala sa pamilihan. Nitong Lunes, lampas sa 11% ang naging pagbaba ng closing quotation ng tatlong pangunahing stock index ng New York.
Salin: Vera