Lumipad kamakailan sa Taiwan ang isang C-40A clipper ng tropang Amerikano. Kaugnay nito, magkakasunod na ipinahayag ng Ministring Panlabas, Tanggapan ng mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado, at Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina na ang walang pahintulot na paglipad ng eroplanong militar ng Amerika sa teritoryo ng Tsina ay malubhang lumapastangan sa teritoryo at soberanya ng Tsina, at lubos na nakakasira sa kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait. Maling-mali at mapanganib ang aksyong ito.
Nitong Lunes, Hunyo 15, 2020, sinabi ni Ren Guoqiang, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng Tsina. May matibay na mithiin, lubos na kompiyansa at sapat na kakayahan ang Tsina para mapangalagaan ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, komong kapakanan ng mga kababayan ng magkabilang pampang, at kapayapaa't katatagan ng rehiyon ng Taiwan Strait. Mabibigo ang anumang tangka ng paglikha ng "Isang Tsina, Isang Taiwan."
Sa kanyang panayam sa China Media Group, sinabi ni Liu Kuangyu, Asistenteng Mananaliksik ng Chinese Academy of Social Sciences, na may malinaw na estratehikong layunin ang nasabing aksyon ng panig Amerikano, at nakakasira ito sa soberanya at seguridad ng Tsina, pati rin sa mga umiiral na alituntuning pandaigdig.
Aniya, ang pahintulot ng Democratic Progressive Party sa kilos ng tropang Amerikano ay para sa kapakanan ng sariling partido lamang.
Salin: Vera