Magkasamang isinapubliko kamakailan ng Tsina at Cambodia ang kanilang talastasan tungkol sa kasunduan ng bilateral na malayang kalakalan ng dalawang panig. Ang mga kaukulang kasunduan ay sumasaklaw sa mga larangang gaya ng kooperasyon ng inisyatiba ng "Belt and Road," kalakalan ng paninda, kalakalang pangserbisyo, kooperasyong pampamumuhunan, kooperasyong pangkabuhayan at panteknolohiya, at e-commerce.
Kaugnay nito, ipinahayag nitong Martes, Hulyo 21, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na makaraang pormal na malagdaan ang nasabing kasunduan, mapapasigla nito ang pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at Cambodia. Ito rin aniya ay makakapagbigay ng ambag para sa magkakasamang pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig.
Ipinagdiinan ni Wang na palagiang sinusuportahan ng Tsina at Cambodia ang malayang kalakalan at multilateralismo, at tinututulan ang proteksyonismo at unilateralismo.
Dagdag pa niya, ayon sa pagkakasundo ng mga lider ng dalawang bansa, ang aktibong pagsasagawa ng talastasan tungkol sa kasunduan ng malayang kalakalan at maalwang pagkakaroon ng komong palagay, ay lubos na nagpapakita ng mataas na pagtitiwalaang pulitikal at malalim na pundasyong pangkooperasyon ng dalawang panig.
Salin: Lito