|
||||||||
|
||
Ipinaalam Biyernes, Hulyo 24, 2020 ng Ministring Panlabas ng Tsina sa Embahadang Amerikano sa Tsina na ipinasiya ng panig Tsino na pawalang-bisa ang pahintulot nito sa pagtatatag at operasyon ng Konsulado ng Amerika sa Chengdu. Iniharap din nito ang kongkretong kahilingan sa pagtitigil ng lahat ng serbisyo at gawain ng nasabing konsulado.
Ito ay sapilitang countermeasure ng panig Tsino bilang tugon sa naunang walang-galang na kautusan ng panig Amerikano na isara ang Consulate ng Tsina sa Houston. Ito ay matinding hakbang na nakakatuon sa iilang puwersang Amerikano na kontra-Tsina sa halip ng malawak na masa ng mga mamamayang Amerikano. Ipinakikita rin nito ang matatag na kaloobaan ng panig Tsino sa pangangalaga sa sariling dignidad, karapatan at kapakanan na angkop sa customary diplomatic practice, at makatwiran at kinakailangan ito.
Sa katuwiran umano ng "pangangalaga sa karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR) ng Amerika at mga pribadong impormasyon ng mga Amerikano," hiniling kamakailan ng panig Amerikano sa panig Tsino na sa loob ng darating na 3 araw, isara ang konsulado nito sa Houston. Ito ay malubhang lumalabag sa pandaigdigang batas, prinsipyo ng relasyong pandaigdig, at mga kinauukulang regulasyon ng China-U.S. Consular Treaty na talagang grabeng probokasyong pulitikal.
Katulad ng naunang nagawa nilang paglinlang sa Tsina sa mga isyung gaya ng pinagmulan ng coronavirus, walang anumang ebidensya ang politikong Amerikano para ipasara ang Konsulado ng Tsina sa Houston. Ito ay isang sinasadya at walang batayang krimeng ninanais ipataw ng Amerika laban sa Tsina na nakakatawag ng matinding pagkondena ng komunidad ng daigdig.
Palagiang iginigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad. Ngunit hindi ito nangangahulugang tatanggapin ng Tsina ang anumang hakbang na nakakapinsala sa soberanya, seguridad, at kapakanang pangkaunlaran. Ang pagsasagawa ng panig Tsino ng naturang reciprocal measure ay nagpapalabas ng isang malinaw na signal na hindi gumagawa ng kaguluhan ang mga mamamayang Tsino, at hindi natatakot sa anumang kaguluhan. Hinding hindi nagbabago ang determinasyon ng mga mamamayang Tsino sa pangangalaga sa sariling lehitimong karapatan at kapakanan.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |