Kaugnay ng gaganaping pagdalaw ni Kalihim Alex Azar ng Kagawaran ng Kalusugan at Serbisyong Pangmamamayan ng Amerika sa Taiwan sa malapit na hinaharap, sinabi nitong Huwebes, Agosto 6, 2020 ng tagapagsalita ng Pambansang Komisyon ng Kalusugan ng Tsina na ang isyu ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina, at hinding hindi pahihintulutan ang pakikialam dito ng puwersang dayuhan.
Hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang prinsipyong "Isang Tsina" at mga alituntunin ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, at agarang itigil ang maling kapasiyahan sa pagsasagawa ng pagpapalitang opisyal sa pagitan ng namamahalang tauhan ng departamentong administratibo ng kalusugan ng Amerika sa rehiyon ng Taiwan ng Tsina.
Saad ng naturang tagapagsalita, dapat magkasamang magpunyagi ang Tsina at Amerika sa pagsasagawa ng konstruktibong kooperasyong pangkalusugan, para mapangalagaan ang kabiyayaang pangkalusugan at seguridad na pangkalusugan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, maging ng buong mundo.
Salin: Vera