Nitong Miyerkules, Setyembre 9, 2020, dumalo sa Ika-10 Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng East Asia Summit (EAS) si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Bilang tugon sa iba't-ibang uri ng paninira ng panig Amerikano sa posisyon ng panig Tsino sa isyu ng South China Sea (SCS), inilahad ni Wang ang tatlong pundamental na katotohanan na kinabibilangan ng una: may sapat na batayang historikal at pambatas ang panig Tsino sa pag-angkin nito sa soberanya at karapatan ng soberanya sa mga isla sa SCS; ikalawa, iginigiit ng panig Tsino ang patakaran ng mapayapang pakikipamuhayan sa mga kapitbansa nito, at palagiang nagsisikap para mapatingkad ang konstruktibong papel sa isyu ng SCS; at ikatlo, palagiang nagsisikap ang panig Tsino upang tupdin ang mga pandaigdigang batas na kinabibilangan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNLOSC).
Dagdag pa ni Wang, nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng mga bansa sa rehiyong ito para patuloy at maayos na malutas ang hidwaan sa dagat, alisin ang dayuhang panghihimasok, pangalagaan ang kalayaan sa paglalayag alinsunod sa batas, aktibong isagawa ang kooperasyong pandagat, at likhain ang mainam na kondisyon para sa pangmatagalang kapayapaan at kaligtasan sa Silangang Asya.
Salin: Lito