|
||||||||
|
||
gnm20131117
|
November 17, 2013 (Sunday)
Magandang-magandang gabi at welcome sa Gabi ng Musika atbp.
Ipagdasal ang mga Biktima ng Bagyo sa Samar at Leyte
Buksan natin ang ating munting palatuntunan sa isang maikling panalangin para sa mga nasalanta ng bagyo sa parteng Samar at Leyte. Manalangin tayo…
Kumusta na kayo riyan mga giliw na tagasubaybay. Sana okay lang kayo kahit na ang bansa natin ngayon ay nasa state of national calamity at kasalukuyang nagluluksa para sa mga nasawi sa bagyong Yolanda.
Gusto kong pasalamatan ang lahat ng mga nagtaguyod ng aming Dictionary for Charity, lalo na iyong mga kababayan dito sa Beijing at mga kanugnog-purok. Lubos na pinahahalagahan namin ang inyong tulong para sa mga kababayan nating nabiktima ng bagyong Yolanda at hindi namin makakalimutan ang inyong kabutihang-loob. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon.
Salamat din sa lahat ng mga nagpadala ng mga mensahe ng pakikiramay para sa mga mamamayan ng Leyte at Samar at ng mga iba pang lugar na naapektuhan ng bagyo. Babasahin ko ang inyong mga mensahe maya-maya.
Kung nakikinig si Celia Dimatangal ng South Cathedral Beijing, nakalikom na ako ng kaunting halaga para sa mga kamag-anak mo sa nasalantang lugar sa Vizayas. Iaabot ko na lang sa iyo sa isa sa mga darating na araw.
Baka makalimutan ko, mayroon tayong Balitang Artista ngayong gabi. Abangan ninyo ang latest chika ni Super DJ Happy sa huling bahagi ng ating programa.
Tunghayan natin ang ilang piling mensahe.
Relief Operation sa mga Sinalantang Lugar
Sabi ni Rolly ng Guadalupe, Makati City: "Awa at galit ang nararamdaman ko ngayon kuya ramon--awa sa mga biktima ng super typhoon sa Samar at Leyte at galit sa mga reporter na wala nang ginawa kundi batikusin ang mga namamahala sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyo. Sa tingin nila sila ay hindi nagkakamali at mga taong perpekto. Ingat lang sila at baka sila naman ang masalanta."
Sabi naman ni Aileen ng Shunyi, Beijing, China: "Siguro understandable naman kung hindi kaagad nakarating ang mga kinakailangang tulong sa mga biktima ng bagyo. Maging iyong mga tauhan na dapat maghatid ng tulong ay biktima rin ng bagyo at kailangan din nilang tulungan ang kani-kanilang pamilya, at naputol din ang komunikasyon at telekomunikasyon. Gawin na lang natin ang ating magagawa at iwasan ang pagsisisihan."
Sabi naman ni Merry Jeanne ng Carmona, Cavite: "Ipinaaabot ko ang pakikiramay ko sa lahat ng mga kababayan na nawalan ng kamag-anakan at ari-arian. Karamay niyo kami at di kayo nag-iisa. Naririto kami at handang tumulong sa abot ng aming makakaya. Lakasan ninyo ang inyong loob at dagdagan ang dasal. Malalampasan din ninyo ang krisis na inyong pinagdadaanan."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensahe.
I WILL ALWAYS LOVE YOU
(WHITNEY HOUSTON)
Narinig ninyo ang awiting "I Will Always Love You," na inawit ni Whitney Houston at sinulat ni Dolly Parton. Ang track na iyan ay lifted sa album na may pamagat na "The Best of Whitney Houston."
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
Bigyang-daan naman natin ang ilan sa mga SMS na natanggap namin nitong mga nagdaang araw.
Dictionary for Charity ng Serbisyo Filipino
Sabi ng San Andres Boys ng San Andres, Manila: "Suportado naming ang diksiyonaryo para sa mga biktima ng bagyo! Mabuhay ang Serbisyo Filipino! Kayo ay hulog ng langit sa mga mamamayang Pilipino!"
Sabi naman ni Cindy ng Olongapo City, Zambales: "Hindi kayo nag-iisa sa pagtataguyod ng Dictionary for Charity. Sa tingin ko, iyan ang isa sa pinakamagandang paraang maiisip natin para makalikom ng pondo."
Sabi naman ni Brenda Lim ng Kawit, Cavite: "Iparamdam natin sa mga biktima ng bagyo na hindi sila nag-iisa. Mag-abuloy tayo sa abot ng ating makakaya. Ngayon na. Huwag nang ipagpabukas pa."
Sabi naman ni Mercy ng Sta. Catalina College Manila: "Damang-dama ko ang daing ng mga kababayan natin sa Samar at Leyte. Mas lalo ko ngayong naramdaman na sila ay mga kapatid natin at hindi natin sila dapat pabayaan."
Sabi naman ni Charlene ng Aguinaldo Highway, Imus, Cavite: "Kahit malayo sa amin ang lugar na nasalanta ng bagyo, para na rin itong malapit dahil nararamdaman ko ang nararamdaman nila."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensaheng SMS. God bless.
MEETING YOU
(PANG LONG)
Mula sa album na pinamagatang "Two Butterflies," iyan ang awiting "Meeting You," na inihatid sa ating masayang pakikinig ni Pang Long.
Ngayon, pakinggan naman natin ang tinig ng ating reporter sa Maynila. Super DJ Happy, pasok!
Salamat, Super DJ!
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp.
Para sa inyong mga reaction na may kinalaman sa programang ito o sa alinman sa mga programa ng Serbisyo Filipino, ang aming website ay filipino.cri.cn; ang e-mail, filipino_section@yahoo.com; ang facebook, crifilipinoservice@gmail.com; at ang telephone number, (Buddy Smart) 0921 257 2397.
Itong muli si Ramon Jr. Maraming-maraming salamat sa inyong walang-sawang pakikinig. God bless.
Balik sa aking blog>>
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |