|
||||||||
|
||
June 28, 2015 (Sunday)
Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.
Quote for the day: "Some people come into your lives as blessings. Some come in your lives as lessons."-- Mother Teresa
Kumusta sa lahat ng mga hao pengyou everywhere in the world. Okay lang ba kayo riyan? Kumusta ang inyong weekend? Ano ang pinagkaabalahan ninyo nitong mga nagdaang araw? Baka naman puwede ninyong i-share sa amin. Gusto naming makarinig mula sa inyo. Okay lang ba?
Hello kina Ebeth, Manuela, Julie at iba pa ng Gachnang, Switzerland. Lagi raw silang nakikinig sa podcast namin at ang sinusubaybayan nilang mga programa ay Mga Pinoy sa Tsina, Dito lang iyan sa Tsina, Pelikulang Tsino Nood Tayo at Mag-aral ng Wikang Tsino. Salamat sa pagtataguyod ninyo sa aming podcast.
Hello rin sa lahat mga kaibigan diyan sa New Territories, Hong Kong. May business trip ako riyan next month. Kita-kits tayo.
May payo si Connie ng Jangtai Lu, Beijing sa mga kababayan na nagtatrabaho sa ibayong dagat. Sabi niya dapat matuto silang makibagay sa mga tao sa paligid nila at maging flexible sila. Alisin daw ang sobrang kahambugan para hindi sila napapag-initan at eventually napapauwi. Anong sey ninyo riyan?
Mamaya, sa Kusina ni Kuya Ramon, ang Chinese recipe natin ay Fried Hokkien Noodles. Isang uri ng noodles iyan. Huwag kayong aalis, ha?
JEALOUS GUY
(JOHN LENNON)
Narinig ninyo ang awiting "Jealous Guy," na inihatid sa ating masayang pakikinig ni John Lennon. Ang track na iyan ay lifted sa album na pinamagatang "Imagine."
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
Bigyang-daan natin ang ilang text messages.
Sabi ni Bernie Cameo ng Far Eastern University: "paano nga ba pipili ng kandidato mga botante? mukhang pare-pareho lang naman mga yan. ala kang makitang tunay na tapat sa bayan."
Sabi naman ni Pat Cusi ng Atimonan, Quezon: "Thumbs up ako sa mga oldies but goldies mo. Yang mga ganyan nga tlagang gustu kung marinig. Marami kasing dalang memories."
Sabi naman ni Rolly ng Guadalupe, Makati City: "Naniniwala ako na talagang may tinitingnan at may tinititigan gobyerno natin. Hindi nila hahayaang makasuhan mga kaalyado nila."
Sabi naman ni May Lesaca ng San Juan, Metro Manila: "medyo minomodify namin yung mga chinese recipes na piniprisent mo sa mga progs.mo kaya cguro dapat ding mabago pati mga pangalan. ok lang kaya?"
Sabi naman ni Librada Cinco ng Malabon, Metro Manila: "di ma3sahan si VP binay na magpaliwanag sa senado tngkul dun sa mga akusayun sa kanya. lam nya ksi maba2stus lang cya dun. lulupit kya mga senador ntin."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga SMS.
GET CLOSER
(SEALS AND CROFTS)
Iyan naman ang "Get Closer," na inawit ng Seals and Crofts at hango sa album na may katulad na pamagat.
At sa culinary portion ng ating programa, ang Chinese recipe natin ngayong gabi ay Fried Hokkien Noodles...
FRIED HOKKIEN NOODLES
Mga Pangunahing Sangkap:
500 grams ng yellow noodles
250 grams ng sariwang prawns
3 kutsara ng cooking oil
1 tasa ng tubig
250 grams ng pinakuluang belly pork
250 grams ng beansprouts
8-10 cloves ng bawang, dinikdik
2 itlog, binati nang kaunti
Asin at paminta ayon sa panlasa
Para sa Garnish:
1-2 sariwang red chillies, ginayat nang manipis at pahaba
2 spring onions, hiniwa sa habang 2.5 centimeters
Ilang tangkay ng local celery, tinadtad nang pino
Paraan ng Pagluluto:
Ilagay ang noodles sa bowl. Buhusan ng kumukulong tubig hanggang sa lumubog lahat sa tubig. Hayaang mababad sa loob ng isang minuto tapos hanguin at patuluin.
Tanggalan ng shells ang prawns pero huwag itatapon ang mga balat at ulo. Mag-init ng mantika sa kawali. Igisa ang mga shell at ulo sa loob ng isang minuto. Lagyan ng tubig at pakuluin. Takpan ang kawali at ilaga ang mga shell at ulo sa loob ng 5 minuto. Salain ang tubig at itapon ang mga shell. Ilaga ang prawns sa sabaw na ito hanggang sa maluto. Salain tapos itabi ang sabaw.
Gayatin nang manipis ang karne. Linisin ang beansprouts. Initin ang natitirang 2 kutsara ng mantika sa malaking kawali tapos igisa ang bawang hanggang sa magkulay brown. Alisin ang bawang. Dagdagan ang apoy tapos ibuhos ang binating itlog. Haluin nang tuluy-tuloy sa loob ng isang minuto tapos idagdag ang noodles, beansprouts at kalahating tasa ng sabaw ng prawns. Lutuin sa malakas na apoy sa loob ng isang minuto. Halu-haluin habang niluluto. Idagdag ang karne, prawns at tamang dami ng asin at paminta. Igisa sa loob ng 2-3 minuto. Dagdagan ang sabaw ng prawns kung kinakailangan. Pagkaraan niyan, isalin sa isang malaking bandehado, lagyan ng garnish at isilbi.
BERDENG LIWANAG
(STEPHANIE SUN)
"Berdeng Liwanag," inawit ni Staphanie Sun at buhat sa album na may pamagat na "Saranggola."
Nakakatuwa naman na iyong mga salitang madalas nating ginagamit na tulad ng pulutan, pasalubong, halo-halo, sinigang, barkada at iba pa, ay inilakip na sa latest edition ng Oxford Dictionary. Ibig lang sabihin niyan, pinahahalagahan ng patnugutan ng nabanggit na dictionary ang mga salita natin, at nangangahulugan din na puwede nang gamitin ang mga salitang iyan bilang bahagi ng English sentences. Ano kaya ang reaction dito ng mga native English speaker? Naitatanong lang naman.
May ilang SMS pa.
Sabi ni Esthel (tama ba ito?) Esthel ng Kalayaan Avenue, Makati City: "Salamat, Kuyang, sa pagpapatugtog mo sa favorite songs kong "The Right Thing to Do," "Through the Fire," at "Killing Me Softly with His Song." Matagal ko na ngang hindi naririnig ang mga iyan, eh. Salamat talaga."
Sabi naman ni Rose ng San Marcelino, Zambales: "Okay lang kami rito, Kuya. Nakakaraos kahit papaano. Salamat sa malasakit at sa tulong na dasal."
Sabi naman ni Merry Jeanne ng Carmona, Cavite: "Purihin at pasalamatan natin si Lord araw-araw. Siya dapat ang unang-unang isa-isip natin paggising natin sa umaga."
Salamat sa inyo, Esthel, Rose at Merry Jeanne.
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp. Itong muli si Ramon Jr. Maraming salamat sa inyong pakikinig. Iwas kayo sa anumang gulo at sakit ng ulo at laging tatandaan na ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik. Zai jian and God bless...
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |