|
||||||||
|
||
The Beauty of Fujian Photo Exhibition
|
Binuksan nitong Sabado, Marso 18, 2017 sa Robinsons Galleria, Xiamen ang photo exhibition na pinamatagang The Beauty of Fujian. Apat na Filipino photography enthusiasts ang nagtampok ng kanilang mga piling larawan na naglalahad ng kani-kanilang interpretasyon sa kagandahan ng lalawigang Fujian. Ang mga participating photographers ay sina Bong Antivola, Cocoy Declaro, Dixx Gatpo at Dan Osillos. Collectively ang grupo ay kilala bilang Foto-Grupo. Ang exhibit ay itinaguyod ng Philippine Consulate General sa Xiamen sa pakikipagtulungan ng Tawid Heritage Center.
(L-R) Sina Dixx Gatpo, Cocoy Declaro, Consul General Julius Ceasar Flores, Bong Antivola, at Dan Osillos
Mainit ang suporta ng Filipino community sa Beauty of Fujian Exhibition. Dumalo rin bilang espesyal ng panauhin sina Cheng Ming, Deputy Director ng Xiamen Foreign and Overseas Chinese Affairs Office (FOCAO), Kenneth Yeo, Vice Consul ng Singaporean Consulate at Mongkol Sinsomboon, Deputy Consul General ng Royal Thai Consulate.
Sa Opening Remarks ni Consul General Julius Ceasar Flores, sinabi niyang isa sa mga mahalagang gawain ng kunsulado ay ang pagiging tulay para maisulong ang mabuting ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina at Pilipinas at Fujian. Malalim at mahaba ang ugnayang ito, lalo pa't 90% ng mga Chinoy sa Pilipinas ay mula sa lalawigang Fujian. Ang exhibit ay unang hakbang aniya sa pagpapakilala ng mayamang kasaysayan at kultura ng Fujian sa mga Pilipino.
Si Evelyn Cabanban (kanan) ng Tawid Heritage Center kasama sina Amado Bengua (kaliwa), Sales & Marketing Director ng GPV Printing Ventures Inc. at si Mac Ramos (gitna) ng CRI.
Todo suporta naman ang founder ng Tawid Heritage Center na si Dr. Evelyn Cabanban dahil likas siyang mahilig sa sining at sinabing isang magandang adhikain ang pagpapakita sa kagandahan ng Fujian sa pamamagitan ng lente ng mga Pilipinong potograpo.
Si Dixx Gatpo habang nagpapaliwanag sa kanyang tampok na mga larawan.
"Crew" ni Dixx Gatpo tampok ang mga tripolante ng isang fishing boat sa Gulangyu island.
"Kulangsu" Larawan ni Dixx Gatpo na nagpakita ng helera ng mga Victorian-era style architecture sa Gulangyu Island ng Xiamen.
Sa kanyang panayam sa CRI Serbisyo Filipino sinabi ni Dixx Gatpo na excited at masaya siyang ibahagi ang kanyang mga larawan sa publiko at nawa ay maenganyo din ang mga taong subukan ang pagkuha ng mga litrato. Street photography ang tampok niya sa exhibition. Malapit sa kanyang puso ang matatanda. Habang papalapit na sila sa dapit hapon ng buhay hangad ni Dixx Gatpo na ipakita ang kanyang pagpapahalaga sa mga lolo at lola ng lipunang Tsino.
"Serenity" ni Dan Osillos na kinunan sa Yong Ning Town, Shishi. Natiyempuhan niya ang asul na kalangitan at ang aninag ng araw sa batuhan. Sa ganda ng tanawin itinutok na lang niya ang camera at saka pumitik.
"Tore" ni Dan Osillos. Ito ang Gusao Tower sa Shishi City. Ang templo sa taas ng burol ay gawa sa bato at kilalang lugar sa lunsod.
(L-R) Sina Vera, Dan Osillos at Mac Ramos
Sampung taon nang bag designer si Dan Osillos sa Shishi, Jinjiang. Sinabi niya sa CRI na hindi siya lumalayo sa simple and basic style ng photography. Landscapes ang pokus ng kanyang mga larawan at ipinakita ang makukulay na tanawin tuwing bukang liwayway at tuwing dapit hapon. Masaya siyang maging bahagi sa hangarin ng Beauty of Fujian exhibition na palakasin pa ang pagkakaibigan ng mga Pinoy at Tsino.
The Beauty of Fujian Photo Exhibition sa Robinsons Galleria, Xiamen
Ang Beauty of Fujian Exhibition ay bahagi ng Philippine Fujian Week na gaganapin sa Pilipinas mula Mayo 24 hanggang 29, 2017. Kabilang sa mga aktibidad ay ang Fujian Food Festival sa Century Park Hotel sa Maynila, Business Forum at pagbisita sa Subic Bay Metropolitan Authority. Bubuksan din ang Beauty of Fujian Photo Exhibition ng Foto-Grupo sa Lucky Chinatown Mall sa Binondo, Maynila sa May 27, 2017. At ang nasabing exhibit ay sabay ding makikita kasama ng calligraphy exhibit sa tanggapan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas sa Pilipinas simula May 30, 2017
Mga bisita sa The Beauty of Fujian Photo Exhibition sa Robinsons Galleria, Xiamen
Sa episode ngayong araw mapapakinggan ang panayam kina Dan Osillos at Dixx Gatpo. Itatampok naman ang 2 pang mga photographers na sina Bong Antivola at Cocoy Declaro sa mga susunod na episodes ng Mga Pinoy sa Tsina sa Abril.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |