|
||||||||
|
||
Metro Manila at mga kalapit pook, binaha
ANG walang-humpay na pag-ulan mula kahapon ang dahilan ng malawakang pagbaha na nauwi sa pagkakasuspinde ng mga klase sa kolehiyo, high school at elementarya sa Kalakhang Maynila at mga kalapit pook. Kaninang umaga ay hindi nakapaglakbay ang mga motorista sa South Luzon Expressway dahilan sa taas ng baha. Kahit na ang mga tanggapan ng pamahalaan ay suspendido na rin. Ang Senado ay walang sesyon samantalang walang mga paglilitis sa mga hukuman at kahit na ang operasyon ng Embahada ng Amerika sa Roxas Blvd. sa Maynila ay suspendido rin.
ULAP, LUBHANG NAPAKABABA SA METRO MANILA. Maraming nakapuna na lubhang mababa ang cloud ceiling sa Metro Manila kaninang umaga. Kuha ang mga larawang ito sa kahabaan ng EDSA sa Mandaluyong at Makati Cities. Ang patuloy na pag-ulan ang dahilan ng pagkakasuspinde ng mga klase at trabaho sa opisina. Nagkaroon ng baha sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit pook. (Melo Acuna)
Walang kalakalan sa Philippine Stock Exchange at walang check-clearing ang Bangko Sentral ng Pilipinas. Sarado ang Banco de Oro, China Bank, Hongkong Shanghai Bank, Rizal Commercial Banking Corporation at Security Bank. Bagaman, bukas ang lahat ng malalaking shopping malls.
Bumigay ang Tres Cruces Dam sa Cavite. Umaandar pa naman ang Light Rail Transit 1, Light Rail Transit 2 at MRT 3 at ipinatutupad pa rin ang number coding ng Metro Manila Development Authority.
Tatlo katao na ang nabalitang nasawi dahilan sa bagyong "Maring" na lalabas sa nasasakupan ng Pilipinas sa darating na Huwebes.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |