|
||||||||
|
||
Humarap sa kauna-unahang pagkakataon si Syrian Consul General Issam Eldebs sa isang roundtable discussion sa Pimentel Institute of Local Governance sa University of Makati. Binigyang-diin niya nawalang kinalaman ang pamahalaan sa sinasabing chemical weapons na ikinasawi ng mga mamamayan. (Melo M. Acuna)
melo20130911.m4a
|
NANINIWALA si Syrian Consul General Issam Eldebs na hindi na matutuloy ang napipintong pagsalakay ng mga Americano sa kanyang bansa matapos magsalita si Pangulong Barack Obama. Sa talumpati ni Pangulong Obama, binanggit niyang kikilos ang America kung walang patutunguhan ang diplomasya.
Sinabi ni G. Eldebs na may pagkakaiba umano si Pangulong Obama kay Pangulong Bush sapagkat mayroon pang pagtatanong sa Kongreso at Senado ng America tungkol sa magiging hakbang laban sa Syria.
Magugunitang nag-alok ang Russia na tutulong upang maibsan ang krisis. Sa isang roundtable discussion sa Pimentel Institute of Local Governance sa University of Makati, sinabi ni G. Eldebs na nagpapasalamat siya sa mga Pilipino at lahat nang nakiisa sa panalangin na maghari ang kapayapaan sa Syria. Pinuri niya ang ginawa ni Pope Francis na namuno sa pananalangin noong nakalipas na Sabado.
Hindi umano oposisyon ang kalaban ng kanilang pamahalaan kungdi ang mga terorista. Mariing itinanggi ni Eldebs na pamahalaan ang may kagagawan ng paggamit ng nakalalasong mga kemikal na ikinasawi ng mga mamamayan.
Hindi rin umano mapapagkatiwalaan ang mga kalapit-bansa ng Syria sapagkat inamin na ng Saudi Arabia na handa nilang gastusan ang pagsalakay ng America sa kanilang bansa. May isa pang bansa sa Gitnang Silangan na handang gumastos para lamang maghirap ang kanilang mga mamamayan.
Sa katanungan ng isang mag-aaral kung paano nagkaroon ng mga armas na kemikal ang Syria, sinabi ni G. Eldebs na isa ang Syria sa mga bansang hindi lumagda sa pandaigdigang protocol sa chemical weapons. Ipinaliwanag niyang ang mga bansang kalapit nila ay pawang armado ng nuclear. Pananggalang lamang ang mga sandatang ito, dagdag pa ng consul general.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |