|
||||||||
|
||
Child labor, mawawala sa pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan
Ito ang paninindigan nina ILO Country Director Lawrence Jeff Johnson (pangalawa mula sa kaliwa), DOLE Director Charisma Satumba at DSWD Officer Luis Daniel Dela Cruz sa ginawang Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Napag-usapan din ang sinasabing "mismatch" sa mga pinag-aaralan ng mga kabataan at pangangailangan sa larangan ng kalakal. (Dennis Dayao)
KUNG magkakaisa ang iba't ibang sektor ng lipunan ay malaki ang posibilidad na matapos na ang salot ng child labor sa Pilipinas. Ito ang nagkakaisang pananaw nina Lawrence Jeff Johnson, Country Director ng International Labor Organization, Director Charisma Satumba ng Department of Labor and Employment at Ginoong Luis Daniel dela Cruz ng Department of Social Welfare and Development sa ginawang Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Ayon kay Director Johnson, may tatlong milyong mga kabataang manggagawa sa Pilipinas na matatagpuan sa pangisdaan, minahan at mga sakahan. Karamihan sa kanila ay kasama ng mga magulang sa pagbubukid. Ibinalita rin ni G. Johnson na unti-unti itong mababawasan sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi naman ni Director Satumba na mayroong sapat na mga palatuntunan ang Department of Labor and Employment na tumutulong sa iba't ibang sektor upang maka-angat sa kahirapan.
Bagama't kontrobersyal ang Conditional Cash Transfer na ibinibigay sa mga mahihirap ng bansa, naniniwala si G. Luis Daniel dela Cruz na unti-unting tumataas ang bilang ng mga kabataang pumapasok sa mga paaralan. Aniya, malaking bagay ang ipinaaabot na salapi ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga kabataan. Pinakamalaking bilang ng benepisyaryo sa CCT ang mga taga-Luzon samantalang pumapangalawa naman ang mga taga-Mindanao at pangatlo ang mga taga-Kabisayaan.
Niliwanag din ni Director Johnson na nakikiisa na rin ang mga kumpanya na huwag kumuha ng mga menor de edad o mga kabataang manggagawa, tulad ng isang malaking pabrika ng softdrink na nagsasabing mas matamis ang kanilang produkto sapagkat walang menor de edad na nagtatrabaho sa mga tubuhan na pinagkukunan ng asukal na pangtamis.
Mayroong mga livelihood program para sa mga mahihirap at hindi basta naglalabas ng salapi ang Department of Social Welfare and Development at kailangang masanay muna ang mga magiging kasaping mahihirap na makilala at matutuhan ang kanilang mga responsibilidad.
Sa mga pabrika, may isinasagawang inspeksyon ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment upang matiyak na walang menor de edad na kasama sa hanay ng mga manggagawa.
Binanggit din nina Director Johnson at Satumba na mayroong mismatch o 'di pagkakatugma ng mga pinag-aralan ng mga kabataan at mga hanapbuhay na nasa daigdig ng kalakal. Nararapat na magkaroon ng sapat na information campaign upang mabatid ang sapat na detalyes ng mga hanapbuhay na nasa lipunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |