|
||||||||
|
||
Mga obispo ng Pilipinas, ikinatuwa ang desisyon hinggil kay Blessed John Paul II
NANAWAGAN ang mga obispo ng Pilipinas sa mga Katoliko na pag-aralan at sundin ang mga nagawa nina Blessed John Paul II at John XXIII na gagawing mga santo sa darating na Abril 2014.
Ayon kay Arsobispo Socrates B. Villegas, pangalawang pangulo ng CBCP, makikita sa buhay ng dalawang banal ang pagiging payak sa kanilang pamumuhay at ang pagkakaroon ng mahabagin sa kapwa.
Ani Arsobispo Villegas, hindi lahat ay makakasaksi sa magaganap sa Roma subalit maaaring gayahin ang mabubuting gawi ng dalawang banal.
May kabayanihang makikita sa buhay ng dalawang dating santo papa tulad rin naman ng pagiging masayahin ni Pope John XXIII.
Makasaysayan ang magaganap sa Abril 2014 sapagkat dalawang dating pinuno ng simbahan ang pararangalan sa seremonyang dadaluhan ng dalawang kahalili nila, sina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI.
Para kay Malolos Bishop Jose Oliveros nararapat lamang ipagbunyi ang desisyon ni Pope Francis na parangalan ang dalawang dating pinuno ng simbahan. Hindi lamang nararapat paghandaan ang okasyon bagkos ay gayahin ang kanilang pamumuhay.
Mahalaga umano ang papel na gagampanan ng Pilipinas at ng mga mamamayan nito sa Asia. Binanggit ni Bishop Oliveros ang pahayag ni Blessed John Paul II na may responsibilidad ang mga Pilipino sa Panginoon at sa Simbahan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |