|
||||||||
|
||
Mga padalang salapi ng mga manggagawa mula sa ibang bansa, umabot sa US$ 2.3 bilyon
TUMAAS ang personal remittances mula sa mga Pilipinong na sa ibang bansa sa ikapitong sunod na buwan ng taon sapagkat sa nakalipas na Oktubre ay nalampasan na ang US$ 2 bilyon. Umabot ang remittances sa halagang US$ 2.3 bilyon.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr. tumaas ang personal remittances sa pagkakaroon ng 8.8% kung ihahambing sa mga ipinadalang salapi noong 2012. Kung pagsasamahin ang personal remittances ng mga Pilipinong mula sa ibang bansa, umabot ito ng US$ 20.5 bilyong mula Enero hanggang Oktubre at mas mataas ng 6.8% sa antas na naitala noong 2012.
Ang pagtaas na ito ay naganap dahilan sa dagdag na 5.5% sa padala ng land-based workers na higit sa isang taon ang mga kontrata na maituturing na 75.5% ng buong total transfers para sa unang sampung buwan ng taon. Ang mga padala ng mga magdaragat at land-based workers na mayroong maiikling kontrata ay tumaas din ng 7.5%.
Ang mga ipinadalang salapi sa pamamagitan ng mga bangko ay umabot sa 7% at nakarating sa US$2.1 bilyon noong Oktubre. Ang cash remittances mula Enero hanggang Oktubre ng 2013 ay umabot sa US$18.5 bilyon o 6% ang itinaas kaysa naitala noong 2012.
Nagmula ang pinakamalalaking remittances sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Kingdom, United Arab Emirates, Singapore, Canada at Japan.
Ang pinakadahilan ng paglago ng remittances ay ang walang humpay na pangangailangan ng mga may kakayahan at mga propesyunal na manggagawang Pilipino.
Ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration ang nakapasang mga job order mula Enero hanggang Oktubre ay 675,966 para sa services, production, professional, technical at related workers.
Ang pinakamaraming manggagawang umalis ngayong taon ay nagtungo sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Taiwan, Hong Kong at Qatar.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |