|
||||||||
|
||
Tradisyong Pinoy, sinimulan na
MAAGANG nagising ang mga Pilipinong dumalo sa Misa de Gallo, isang tradisyong minana ng mga mamamayan ngayon mula noong ika-16 na siglo. May mga simbahang nagmula ng Misa ganap na ika-apat ng umaga, at mayroong nagsimula ng ika-apat at kalahati ng umaga at mayroon ding nagsimula kaninang ika-lima ng umaga.
Hindi lamang sa Pilipinas ginaganap ang tradisyong ito sapagkat kahit sa Kuwait ay mayroong Misa sa ganap na ika-lima ng umaga para sa mga Pilipinong nagtatrabaho doon.
Sa panayam kay Fr. Marvin Mejia, ang secretary general ng Catholic Bishops Conference of the Philippines nagsimula ito sa España at nadala sa Mexico. Sapagkat marami sa mga mananampalataya ay mga magsasaka, idinadaos ang Misa kasabay ng pagtilaok ng tandang sa madaling araw upang hindi sila matagalan sa pagdalaw sa kanilang mga sakahan.
May espesyal na permiso ang mga Pilipino na awitin ang Gloria in Excelsis Deo sapagkat pinararangalan sa pagdiriwang ang Birheng Maria.
Noong ideklara ang Batas Militar noong dekada sitenta, idinaos ang misa sa ganap na ikapito o ikawalo ng gabi upang huwag lumabag sa curfew na mula hatinggabi hanggang ika-apat ng umaga.
Kahit pa naalis na ang Batas Militar, kinagawian na rin ng mga may trabaho na sa gabi na lumahok sa pagdiriwang.
Sa misang sinimulan kanina, may kaakibat na sakripisyo ito sapagkat kailangang gumising ng maaga upang makadalo sa pagtitipon. Magtatapos ito sa madaling araw ng ika-24 ng Disyembre at magkakaroon ng Misa ng Pagdiriwang ng Pasko sa ganap na ikasampu o ika-labingisa ng gabi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |