|
||||||||
|
||
Kalakal ng kotse at trak, lumago
HUMIGIT sa benta ng buong 2012 ang naipagbiling mga sasakyan sa unang 11 buwan ng 2013. Ito ang ibinalita ng pinagsanib na Marketing Committee ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. at Truck Manufacturers Association ngayong araw na ito. Kahit pa tinamaan ng lindol at napakalakas na bagyo ang Gitna at Silangang Kabisayaan na naging dahilan ng pagkalugi ng mga dealership ay umabot sa 164,098 unit o mas mataas ng limang porsiyento sa bentang umabot sa 156,649 na benta ng dalawang grupo noong buong 2012. Mas mataas ang year to date figure na 16% mas mataas sa 141,280 units na naipagbili mula Enero hanggang Nobyembre ng 2012.
Ani Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng CAMPI, mas malaki sana ang kanilang benta kung hindi humagupit ang buong lakas ni "Yolanda" noong ika-walo ng Nobyembre. Bumaba umano ng 10% ang bentahan ng mga pampasaherong kotse mula sa 6.128 units noong Oktubre at umabot lamang sa 5,479 units noong nakalipas na buwan.
Naniniwala ang mga pinuno ng CAMPI na pansamantala lamang ang pagbaba ng benta sapagkat karamihan ng mga may kakayahan ay abala sa relief and rehabilitation ng kanilang pook.
Bumaba rin ng bahagya ang bentahan ng commercial vehicle sector mula sa 10,672 units noong Oktubre ay naging 10,438 units noong Nobyembre. Tumaas naman ng 21% ang bentahan ng light commercial vehicles at light trucks na ginagamit sa pagdadala ng relief goods mula 271 units noong Oktubre ay umabot sa 328 units noong Nobyembre.
Umaasa silang matatamo ang kanilang target na 210,000 units para sa buong taon kahit hindi pa nakakabawi ang mga dealer sa mga apektadong pook.
Ani Atty. Gutierrez, ang buwan ng Disyembre ang pinakamagandang panahon para sa instriya sa pagkakaroon ng pagdagsa ng mga Balikbayan, paglalabas ng mga bonus at mga naipon ng buong taon. Kailangan din ang mga commercial vehicle dahilan sa malawakang reconstruction efforts.
Nangunguna pa rin ang Toyota na mayroong 42% ng market share kasunod ang Mitsubishi Motors na nagkaroon ng 24%. Halos tabla sa ikatlong puesto ang Honda Motors na mayroong 7.39% at Ford na mayroong 7.35%. Panglima ang Isuzu na nagkaroon ng 6.55%.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |