|
||||||||
|
||
Maarte/20131231.m4a
|
Ang estruktura ng mga palasyo sa Tsina ay tinatawag ding estrukturang imperial. Ito'y malalaki't mariringal na estrukturang itinayo ng mga emperador para mapatatag ang kanilang paghahari. Ipinakikita rin ng mga ito ang malakas na kapangyarihan ng emperador, at simbolo rin ng kanyang ispirituwal at materyal na kakayahan. Karamihan sa mga estrukturang ito'y napapalamutian ng maniningning at mamahaling bato.
Alam ba ninyo, na noong Qing Dynasty, nagsimulang tumira ang mga emperador ng Tsina at kanilang mga kamag-anak sa "palasyo?" Ang ilan pang ngang palasyo ay naging tanggapan ng emperador sa pangangasiwa sa mga suliraning pang-estado. Ang tipikal na katangian ng konstruksyon ng palasyo ng Tsina'y "dougong" (ito'y isang sistema ng mortise at tenon) na nilalatagan ng mga glazed tile na may kulay yellow gold bilang bubong. Ang mga ito ay mayroon ding magagandang disenyong guhit, caisson ceiling na may napakapulidong ukit at puting marmol na patungan, at barandilya't poste na may maliliit na estruktura sa paligid. Ang Taihedian o Hall of Supreme Harmony ng Forbbiden City sa Beijing ay isang tipikal na estruktura na may estilong ganito.
Upang maipakita ang kapangyarihan ng emperador at ang konsepto ng nukleong herarkiya, ang mga palasyo ay nilagyan ng simetriyang may mahigpit na porma ng pagkakaayos at sumusunod sa central axis: ibig sabihin, mataas, malaki't maganda ang mga estruktura sa central axis; samantalang medyo mababa, maliit at simple ang mga estruktura sa magkabilang tabi ng line of axis. Nahahati rin sa dalawang bahagi ang matandang estrukturang imperyal, una: ang lugar kung saan tinatanggap ng emperador ang mga opisyal, pinangangasiwaan ang mga suliraning pang-estado at pinagdarausan ng malalaking seremonya, at pangalawa: ang lugar na tinitirhan ng emperador, emperatris at kanyang mga concubine.
Imperial Palace Museum ng Beijing
Imperial Palace Museum
Ang Imperial Palace Museum o tinatawag ding Forbidden City ay naging palasyo't korte ng mga emperador ng Ming at Qing Dynasty. Dalawampu't apat na emperador ang tumira rito. May 720,000 metro kuwadrado ang saklaw ng Imperial Palace Museum at may mahigit 9,000 silid. Mayroon din itong mataas na pulang pader na may mahigit 3,400 metrong sirkumpirensiya at may city moat para maprotektahan ang lunsod. Nahahati sa dalawang bahagi ang Imperial Palace Museum. Sa harapan ay ang lugar na pinagdarausan ng mahahalaga't malalaking seremonya at pagpapalabas ng mga utos imperyal. Ang mga pangunahing estruktura doo'y ang Taihedian (Hall of Supreme Harmony), Zhonghedian at Baohedian. Ang mga estrukturang ito ay may walong metrong taas na pundasyon na nilatagan ng puting marmol at mistulang jaded palace o palasyo ng mga engkantada kapag tiningnan sa malayo. Sa likuran ng Imperial Palace Museum ay lugar kung saan pinangangasiwaan ng emperador ang mga suliraning pang-estado at tirhan ng emperador. Ang pangunahing estruktura'y Qianqinggong, kabilang sa mga estruktura'y ang hardin, salid-aralan, panuluyan, pabilyon, bundok na artipisyal at bato, ang lahat ng ito'y may sariling bakuran.
Dahil sa pagpalit ng mga dinastiya at mga digmaan, kaunti na lamang ang naiiwang mga matandang estrukturang pampalasyo sa Tsina. Ang ilan pang naiwan sa kasalukuyan, liban sa Imperial Palace Museum ng Beijing ay Palace Museum ng Shenyang, at ang ilang guho ng mga palasyo ng mga Han at Tang Dynasty sa Xi'an.
Estruktura ng mga Musoleo
Ang konstruksyon ng mga musoleo ay mahalagang bahagi rin ng matandang estruktura ng Tsina. Ang mga Tsino noong unang panahon ay naniniwala, na kapag namatay ang isang tao, hindi mamamatay ang kanyang kaluluwa at karaniwa'y binibigyan ng pagpapahalaga ang paglilibing. Kaya, alinmang uri ng tao ay lubhang maingat sa pagtatayo ng kanilang mga libingan.
Sa mahabang kasaysayan, mabilis na umunlad ang konstruksyon ng mga musoleo ng Tsina at nagkaroon ng espesyal na libingan ang mga emperador at imperatris. Sa paglipas ng panahon, ang konstruksyon ng mga libingan ay unti-unting nagbago, nagkaroon ang mga ito ng larawang-guhit, kaligrapiya, lilok at iba pang sining. Ito ay naging isang komprehensibong sistemang nagpapakita ng mga tagumpay sa maraming uri ng sining.
Ang estruktura ng mga musoleo ay isang konstruksyong may maringal na estruktura. Karaniwa'y ginagamit ng mga estrukturang ito ang likas na topograpiya at itinatayo malapit sa bundok; mayroon ding ilang itinayo sa kapatagan. Ang layout ng mga musoleo ng Tsina ay may pader sa paligid, bukas ang pinto sa apat na panig at may tore sa apat na sulok. Sa harap ng musoleo'y mayroong daan tungo sa libingan at may mga luntiang punong pino't sipres sa loob ng sementeryo.
Musoleo ni Emperador Qin Shihuang
Mga sundalo at kabayong terra-cotta ni Emperador Qin Shihuang
Ang libingan ni Qinshihuang na nasa hilagang paanan ng bundok LiShan sa lunsod Xi'an ng lalawigang Shaanxi ay ang pinakatanyag na musoleo ng Tsina. Ito'y itinayo mahigit 2,000 taon na ang nakakalipas. Ang mga sundalo at kabayong terra-cotta ni Emperador Qin Shihuang na nakilala bilang "8th Wonder of the World" ay mga "tropang" nagbabantay sa musoleong ito. Magaganda ang terra-cotta ni Qin Shihuang at priomera klase ang pagkakalilok ng mga ito, kaya, napasama ito sa "Talaan ng Pamanang Pandaigdig" noong 1987. Ayon sa pagtasa ng komite ng pamanang pandaigdig: ang mga terra-cottang ito na may iba't ibang anyo at nakapaligid sa musoleo ni Qin Shihuang ay mga perpektong obra-maestra at nagpanatili ng napakataas na kahalagahang pangkasaysayan.
Liban sa musoleo ni Qin Shihuang, mayroon pang 11 musoleo ng mga emperador ng Western Han Dynasty at mga musoleo ng 18 emperador ng Tang Dynasty. Ang musoleong Maoling ni Emperador Hanwudi ang pinakamalaking musoleo ng Western Han Dynasty at may pinakamaraming kayamanang nakabaon. Ang libingang Zhaoling ay musoleo ni Emperador Lishimin ng Tang Dynasty. Napakalaki ng saklaw ng sementeryo, at sa loob nito'y may 17 pang ibang libingan ng mga maharlikang nagbigay ng bukod-tanging serbisyo sa emperador. May maraming mahahalagang relikyang pangkasaysayan sa ibabaw at ilalim ng libingang Zhaoling at ang pinakatanyag at mahusay na lilok ay ang "Six steed chart."
Mga musoleo ng Ming at Qing Dynasty
Ang Ming Tombs
Ang pinakahalagang musoleo ng mga emperador ng Ming Dynasty ay nasa Changping ng Beijing. Ito'y ang bantog na Ming Tombs: ito ang grupo ng mga musoleo ng 13 emperador ng Ming Dynasty, pagkaraang gawing kabisera ang Beijing. Ito ay may lawak na 40 kilometro kuwadrado. Ang Ming Tombs ang pinakabuong grupo ng mga estruktura ng musoleo ng Tsina. Ang pinakamalaki't pinakamaringal ay ang ChangLing (libingan ni emperador Zhu Di) at ang Dingling (libingan ni emperador Zhu Yijun). Napakatibay ng arkong bato sa underground palace ng libingang Dingling. Napakahusay din ng mga kagamitan ng paagusan ng tubig sa paligid, at walang isa mang arkong bato ang natibag. Ito ay nagpapakitang mataas ang teknolohiya ng mga Tsino noong unang panahon sa pagtatayo ng mga estruktura sa ilalim ng lupa.
Ang may pinakamalaking saklaw at pinakakumpleto sa sistema ng estruktura sa mga libingang imperial, na nananatili pa ngayon sa Tsina ay ang Dongling Tomb ng Qing Dynasty. Ito'y may laking 78 kilometro kawadrado at doon nakalibing ang limang emperador, 14 emperatris at mahigit 100 concubine ng emperador. Ang pangunahing mga estruktura ng libingan sa loob ng sementeryong Dongling ay pawang napakarikit, maringal at sobrang katangi-tangi sa kagandahan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |