|
||||||||
|
||
Pagpapatala ng mag-aaral sa elementary at high school sisimulan sa ika-25 ng Enero
Magsisimula na sa Sabado, ika-25 ng Enero ang pagpapatala sa lahat ng public elementary at high schools sa buong bansa. Layunin ng kautusan ay makakuha ng impormasyon na pagbabasehan ng paghahanda sa pagtugon sa posibleng mga pagkukulang bago pa man sumapit ang pasukan.
Sinabi ni Kalihim Brother Armin Luistro, FSC na nais nilang maiwasan an logistical problems sa pagsisimula ng bagong school year sa Hunyo. Kung mababatid ng mga school principal ang lahat ng papasok sa paaralan, makakapaghanda ng mga silid-aralan, mga upuan at mga kailangan sa pag-aaral.
Target ng enrolment ang mga limang-taong gulang na bata upang matiyak ang kanilang pagpapatala sa kindergarten at lahat ng anim na taong gulang na bata upang matiyak ang kanilang pagpasok sa Grade 1.
Kanilang pinag-aaralang maibalik sa mga elementary at high school ang mga out-of-school children at out-of-school youth, kabilang na ang street children mula lima hanggang 18 taong gulang. May pagpipilian sila, ang formal schooling o alternative delivery mode o sa pamamagitan naman ng alternative learning system.
Humingi ng tulong ang Kagawaran ng Edukasyon sa mga lokal at pangbarangay na pamahalaan para sa maagang pagpapatala ng out-of-school children, OSY, ang mga nahihirapang mag-aral at ang mga katutubo.
Makikipagtulungan din sila sa mga Parent-Teachers Associations, mga opisyal ng barangay, civil society groups, civic organizations at mga kinatawan ng business sector, dagdag pa ni Kalihim Luistro.
Pope Francis, nakita ang mga katangian ni Cardinal Quevedo
SINABI ni Fr. Luois Lougen, OMI, ang superior general ng Missionary Oblates of Mary Immaculate sa Roma na ang pagkakahirang kay Arsobispo Orlando Beltran Quevedo ng Cotabato bilang Cardinal ay nagbibigay ng mahalagang mensahe sa Simbahan sa buong daigdig, sa OMI missionaries, sa Simbahan sa Pilipinas, sa Oblates ng Pilipinas, sa Arkediyosesis ng Cotabato, maging sa mga taga Mindanao at higit sa lahat, sa mahihirap.
Isa umano sa mahahalagang ginagawa ng Oblates of Mary Immaculate, sa pamumuno ni Cardinal Quevedo ay ang walang-sawang paglilingkod sa Mabuting Balita, sa mga mahihirap at pagsusulong ng pagkakaibigan ng mga Kristiyano at Muslim.
Nakikiisa si Cardinal Quevedo sa pagtatangka ng mga Muslim at Kristiyanong mabuhay ng magkakasama nang mayroong paggalang at kapayapaan.
Simple rin ang pamumuhay ni Cardinal Quevedo, dagdag pa ni Fr. Lougen at nanatiling malapit sa mahihirap. Nakita umano ni Pope Francis ang pagkakaroon ng mabuting kalooban, kaligayaran at pagiging bukas sa pakikipagtulungan sa kapwa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |