|
||||||||
|
||
20140108melo.m4a
|
Payapang prusisyon, inaasahan bukas
WALANG anumang banta sa idaraos na prusisyon ng Itim na Nazareno bukas. Inaasahang milyun-milyong mga deboto ang lalahok sa pagdiriwang.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Edwin Lacierda na walang anumang banta o peligro sa idaraos na pagdiriwang. Sa isang media briefing, sinabi ni Atty. Lacierda na walang gagamiting signal jammers 'di tulad noong mga nakalipas na panahon.
Magpapakalat pa rin ng mga pulis at mga tauhan ng Metro Manila Development Authority upang bantayan ang kapayapaan at kaayusan sa kapistahan.
Sa panig ng Basilica Minore ng Itim na Nazareno, napupuna ang pagdagsa ng mga banyagang deboto na dumating upang makilahok sa pagdiriwang ng kapistahan bukas.
Sinabi ni Msgr. Clemente Ignacio, Rector ng Quiapo Church, maraming mga banyagang Katoliko na dumadalo sa pagdiriwang bawat taon. Idinagdag pa ng pari na ang Simbahan ng Quiapo ang kinalalagyan ng pinaniniwalaang milagrosong imahen ng Itim na Nazareno. Nadaragdagan ang mga namamanata mula sa ibang bansa sa nakalipas na pitong taon.
May panukala rin ang Manila Tourism and Cultural Affairs na anyayahan ang Katoliko sa ibang bansa na lumahok sa mga Pilipino sa pagdiriwang ng kapistahan.
Ani Msgr. Ignacio, walang anumang ginagawang paanyaya ang Quiapo church subalit dumarating pa rin ang mga banyaga.
Tinatayang aabot sa 12 milyong mga deboto ang nakadalaw na at lalahok pa sa pagdiriwang ngayong 2014. Sa kauna-unahang pagkakataon ay daraan ang prusisyon sa Jones Bridge at Escolta sapagkat may problema na ang MacArthur Bridge.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |