|
||||||||
|
||
SINABI ni G. Praveen Agrawal, country director ng World Food Program na nakakabawi na ang mga napinsala ng bagyong "Yolanda" sa Central Philippines.
Sa isang panayam, sinabi ni G. Agrawal na nakarating na sila sa may 2.7 milyong biktima. Mula sa pamamahagi ng pagkain, mayroon ng cash transfer ang World Food Program sa pamamagitan ng DSWD at mga non-government organizations. Sa pagkakaroon ng pagtutulungan ng WFP at DSWD, narating na nila ang 500,000 katao samantalang sa non-government organizations ang naiparating ng biyaya sa may 80,000 katao.
Unang ibinalita ng Food and Agriculture Organization at Kagawaran ng Pagsasaka na nakapamahagi na sila ng mga binhi upang makapagtanim agad at mapigilan ang anumang nakikitang krisis sa mga binagyong grupo.
Nagbabala noon si Director General Ertharin Cousin na kung hindi makapagtatanim ang mga magsasaka ayon sa planting calendar, tiyak na magkakaroon na naman ng panibagong krisis.
Ayon kay G. Argawal, umaasa siyang magiging maganda ang ani ng mga nasalanta ni "Yolanda."
Sa panig ng International Rice Research Institute, nagbabala si G. Bruce Tolentino na hindi sasapat ang pamamahagi ng mga binhi sa mga magsasakang nasalanta ni "Yolanda."
Sa isang naunang panayam, sinabi niyang kung ang binhi ay naibigay sa lubhang naghihirap na magsasaka, posibleng maipagbili niya ito o 'di kaya'y ipagpalit sa mga makakain.
Wala rin umanong katiyakan kung angkop ang binhi sa mga pagtatanman sapagkat sa oras na hindi angkop ang binhi sa lupa, tiyak na magiging mahina ang ani ng mga magsasaka.
Bagama't nakatanggap ang mga magsasaka ng binhi, walang katiyakan kung naihanda na ba ang lupa at kung mayroong kalabaw at araro ang mga magsasaka. Magiging problema rin ang patubig lalo't nasira ang mga ito ng daluyong.
Sa karanasan sa Bangladesh, Thailand, India at Indonesia, kadalasang napipinsala ang mga pagawaing-bayan at mga kagamitang pangsakahan.
Sa oras na mabuksan ang mga lansangan, tiyak makakapasok ang mga mangangalakal subalit tiyak na mataas pa ang presyo ng mga pataba at pestisidyong gagamitin ng mga magsasaka, dagdag pa ni G. Tolentino.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |