|
||||||||
|
||
Bus na nahulog sa bangin, wala umanong pahintulot maglakbay
ANG sinamampalad na bus na nahulog sa bangin sa Mountain Province noong Biyernes, ika-pito ng Pebrero na ikinasawi ng 15 kataong kinabibilangan ng mga alagad ng sining ay walang pahintulot na maglakbay patungo sa Bontoc.
Ito ang nabatid sa mga autoridad at maging sa abogado ng kumpanya ng bus. Matagal na umanong naglalakbay ang mga bus ng G. V. Florida Transport sa iba't ibang bahagi ng Luzon at nagsimulang maglakbay sa makikitid at madalas katagpuan ng mga pagguho ng lupang mga lansangan sa Mountain Province.
Ayon sa mga ulat na lumabas sa media, inamin ni Atty. Alex Versoza na noong lamang Setyembre ng nakalipas na taon ng magsimula silang maglakbay patungo sa Bontoc matapos mabili ang prangkesa mula sa Mountain Province Cable Tours.
Nagkataong sinabi ni Joel Balano, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na walang pagsang-ayon ang ahensya ng pamahalaan sa pribadong transaksyon ng dalawang kumpanya ng bus.
Walang anumang permisong nagmula sa LTFRB sa application of sale at paglilipat ng pag-aari ng bus upang maiwasan umano ang pag-abandona sa ruta.
Sa pagpapataw ng isang buwang suspension ng paglalakbay ng G. V. Florida kasunod ng malagim na sakuna, wala ng kumpanya ng bus na naglalakbay sa pag-itan ng Maynila at Bontoc.
Inamin din ng abogado ng bus na ang sinamang-palad na bus ay isang pribadong bus na nakarehistro sa Dagupan Bus Company. Narehistro ang bus noong ika-17 ng Hulyo, 2013.
Pari, nabahala sa pagkakaroon ng cybersex den sa paaralan
NABIGLA si Fr. Conegundo Garganta ng tumambad ang balitang mayroong internet child pornography operation sa bansa kasunod ng pagsalakay ng mga autoridad sa isang paaralan.
Ayon kay Fr. Garganta, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Youth, nararapat gawin ng pamahalaan ang lahat upang mapigil ang pang-aabuso sa mga bata at pagkakaroon ng cybersex operation sa loob ng isang paaralan.
Nararapat lamang umanong pawalang saysay ang permisong ibinigay sa Mountaintop Christian Academy kung mapapatunayang mayroong cybersex operations sa loob ng paaralan.
Hindi kailanman nararapat mapasapanganib ang mga kabataan, dagdag pa ni Fr. Garganta. Iminungkahi niya ang on-the-spot inspection ng mga paaralan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |