|
||||||||
|
||
melo
|
DUMALAW si Pangulong Tony Tan Keng Yam ng Singapore sa Malacañang matapos mag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal sa Rizal Park kaning umaga.
Matapos lumagda sa guest book, dumalaw siya kay Pangulong Aquino at pinag-usapan ang mga isyung mahalaga sa magkabilang-panig na kinabibilangan ng kalakal, investments at seguridad.
Sa kanyang mensahe matapos ang kanilang pagpupulong, sinabi ni Pangulong Aquino na siya'y nalulugod na maging punong-abala sa pagdalaw ng pinuno ng Singapore at ng kanyang delegasyon.
Ang pagdalaw na ito ang nagpapatibay ng mainit at magandang relasyong namamagitan sa dalawang bansa at higit na magpapalakas sa pangkakaibigan.
Pinasalamatan din ni Pangulong Tan si Pangulong Aquino at ang mga mamamayan sa mainit na pagtanggap sa kanyang pagdalaw sa Pilipinas.
Sa pag-uusap nina Pangulong Tan at Aquino, pinasalamatan ng dumadalaw na pangulo ang nai-ambag ng mga Pilipino sa kaunlarang natamo ng Singapore.
Hindi mapapalitan ang papel na ginagampanan ng mga Filipino sa ekonomiya at lipunan ng Singapore. Ayon kay Pangulong Tan, malaki ang kanilang naiambag sa kaunlaran at paglago ng kanyang bansa. Ito ang kanyang mensahe sa pananghalian sa kanyang karangalan sa Palasyo Malacañan.
Sa pagdami ng mga Filipinong nagtutungo sa Singapore upang magtrabaho, mas maraming mga Singaporean ang dumadalaw sa Pilipinas dahilan na rin sa magandang growth prospects.
Ikinatuwa rin niya ang paglawak ng Air Transport Agreement sa Pilipinas sapagkat madaragadagan ang lingguhang air service capacity sa pag-itan ng Pilipinas at Singapore ng may 25%.
Sa panig ni Pangulong Aquino, pinasalamatan naman niya si Pangulong Tan ng Singapore sa tulong na ipinadala sa Pilipinas matapos hagupitin ng bagyong "Yolanda" noong Nobyembre.
Hindi malilimutan ng mga Filipino ang kabaitang ipinarating ng Singapore sa Pilipinas. Ito ang buod ng kanyang talumpati sa pagdalaw ng pangulo ng Singapore.
Ani Pangulong Aquino, ang Singapore ang isa sa mga naunang bansang tumulong sa mga Filipino noong Nobyembre. Nagpadala ang Singapore ng Civil Defense Force upang tumulong sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs at isang C-130 aircrat na nagdala ng mga kagamitan sa pagitan ng Tacloban at Maynila.
Nag-ambag din ang Singapore ng US $ 33,600 na emergency supplies, US $ 96,000 halaga ng relief goods at US $ 160,000 bilang seed money para sa Singapore Red Cross Typhoon Haiyan fund-raising drive.
Sinabi ni Pangulong Aquino na sa pagsasama-sama ng mga nasa pribadong sektor, kalakal at non-government organizations, akademya at mga OFW sa Singapore ay nakalikom ng US$ 10 milyon.
Dadalaw din si Pangulong Tan ss Basey, Western Samar pang iparating ang kanilang mga donasyon sa isang pagamutan ng pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |