Pangalawang Pangulong Binay, umaasang lalabas ang katotohanan
NANANATILING umaasa si Pangalawang Pangulong Binay na lalabas ang katotohanan sa likod ng talaan ni Gng. Napoles na naglalaman ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaang tumanggap at nagkamal umano ng mga kickback mula sa mga proyekto na pinondohan ng PDAF o Priority Development Assistance Fund.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay G. Binay sa Cebu, nararapat lamang na walang itatangi o papaborang mga kaalyado o mga kamag-anak.
Nararapat lamang siyasatin ang usaping kinasasangkutan ni Gng. Napoles, dagdag pa ng pangalawang pangulo upang lumabas ang katotohanan at panagutin ang nararapat managot.
Hindi umano magkakaroon ng mga paborito kung sakaling siya ang maluklok sa panguluhan. Idinagdag pa niyang siya'y isang abogado at kung mayroong kaso, ihabla at kung walang kaso, kailangang maabswelto.
Inihambing ni G. Binay ang pagkakaroon ng iba't ibang talaan sa naganap noong panahon ni Commissioner Virgilio Garcellano na kinatagpuan ng magkakaibang bersyon ng taped conversation sa pagitan ni Garcillano at ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung noon aniya ay may dalawang tapes, ngayon ay may tatlong talaan.
1 2 3 4 5