|
||||||||
|
||
Pilipinas, nais makipag-usap sa Tsina at mga bansa sa Timog Silangang Asia
NAIS ng Pilipinas na makipag-usap sa Tsina at iba pang bansa sa Timog-Silangang Asia upang mapigil ang pagtatayo ng mga pasilidad sa pinagtatalunang mga batuhan at mumunting pulo sa South China Sea.
Sa isang panayam sa ABS-CBN News Channel (ANC), sinabi ni Kalihim del Rosario na mananawagan siya ng moratorium sa lahat ng pagkilos na magpapa-igting ng tensyon tulad ng ipinapanukala ng ilang pinuno ng Estados Unidos.
Sa panayam, sinabi niya na kailangang madali ang pagbuo ng code of conduct upang maipatupad ito kaagad.
Ani G. del Rosario, nais niyang masimulan ito sa pinakamadaling panahon sapagkat rasonable itong gawin.
Minamadali umano ng Tsina ang pagtatayo ng mga pasilidad sa pinagtatalunang mga pulo sa nakalipas na buwan. Ang pinakahuli umano ang pagtatayo ng isang paaralan sa Paracel Islands.
Samantala, sinabi ng Malacanang na suportado nila ang kaisipang ito ni Kalihim del Rosario.
Ayon kay Kalihim Herminio "Sonny" Coloma, Jr. ang dialogue ay isang magandang paraan upang iparating ang mga pananaw at magkaroon ng mas malawak na pang-unawa sa posisyon ng bawat isa.
Ipinaliwanag ni G. Coloma na matagal ng layunin ng Pilipinas ang payapang paglutas sa mga usaping may kinalaman sa South China Sea. Idinagdag pa niya na nais talaga nilang magkaroon ng Code of Conduct of Parties na naghahabol sa ilang bahagi ng South China Sea.
Sa katanungan kung ang pag-uusap ay nararapat gawin sa isang neutral country, sinabi ni G. Coloma na ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon ng pag-uusap.
Ani Kalihim del Rosario, maaaring minamadali ng Tsina ang pagtatayo ng mga pasilidad sa pinagtatalunang mga pulo upang hindi masaklaw ng bubuuhing Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Code of Conduct sa South China Sea.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |