|
||||||||
|
||
Civil society leader, nagbago ang pananaw kay Pangulong Aquino
MALAKI ANG MAGAGAWA NG CIVIL SOCIETY. Ito ang nagkakaisang pananaw at paniniwala nina G. Pastor "Boy" Saycon ng Council of Philippine Affairs (COPA) dulong kanan, Bb. Malou Tiquia ng Publicus Asia, Inc. (gitna) at G. Junep Ocampo ng EdSA Tayo at OPlan Hatid. Kung hindi magagawa ng pamahalaan, ani G. Ocampo, hindi mawawalan ng mga karaniwang tao na siyang gagawa ng paglilingkod sa mamamayan tulad ng mga biktima ng bagyong "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre, 2013. (Kent Dela Cruz/Areopagus)
INAMIN ni Junep Ocampo, ang taong nasa likod ng EdSA Tayo at OPlan Hatid na nagbago ang kanyang pagkakakilala kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kawalan ng kahandaan at kakayahang magdesisyon sa trahedyang idinulot ng bagyong "Yolanda" noong nakalipas na Nobyembre.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni G. Ocampo na tila bulag si Pangulong Aquino sa maraming problemang kinakaharap ng bansa. Kahit umano kitang-kita na ang problema, wala pa ring ginagawa ang punong ehekutibo.
Hindi umano maikakalila ang kawalan ng kakayahan at hindi pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng daluyong at bagyo.
Nanawagan siya na nararapat kumilos ang mga mamamayan upang malutas ang mga suliraning kinakaharap ng bansa mula sa pagpapagaan ng kalagayan ng mahihirap, pagbibigay ng hanapbuhay at pagpapasigla ng ekonomiya.
Sa panig ni Pastor "Boy" Saycon (ng Council on Philippine Affairs), ang kawalan ng puso sa paglilingkod ang dahilan. Pawang mga personal na interes ang isinusulong ng mga nasa pamahalaan, dagdag pa niya.
Ayon kay Malou Tiquia ng Publicus Asia, Inc. ang anumang ibinabandilang natamong kaunlaran sa ekonomiya ay walang pinatutunguhan sapagkat hindi nakararating sa madla ang basic social services.
Kahit pa mayroong pagwawagi sa kampanya laban sa katiwalian, hindi magtatapos ang paglilinis ng pamahalaan sa pagtatapos ng kanyang pamamahala sa 2016.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |