|
||||||||
|
||
Tulong ng European Union sa Zamboanga, pinag-ibayo
DINAGDAGAN pa ng European Union ang kanilang tulong sa mga nasalanta sa Zamboanga City sa pamamagitan ng P 14.8 milyon o € 250 000 kayat umabot na ang buong ayuda ng EU sa P 32.560 milyon o € 550 000.
Mula ang salapi sa Humanitarian Aid and Civil Protection department para sa isang proyektong ipinatutupad ng mga aid organizations sa pangunguna ng Spanish NGO na may pangalang "Acción Contra el Hambre (ACF Spain) at kabilang ang IOM at Plan – International.
Sinabi ni EU Ambassador Guy Ledoux ng Delegation of the European Union sa Pilipinas na ang pagkakaroon ng dagdag na ayuda ay mula sa pinakahuling assessment mission sa Zamboanga.
Nabatid nila na matapos ang walong buwan, mayroon pa ring 3,800 pamilya ang nasa malubhang kalagayan at nais nilang matulungan ang may 1,500 pamilya at makatulong kahit panandalian samantalang naghahanap ng pangmatagalang solusyon sa mga nawalan ng tahanan.
Layunin nilang mabawasan ang mga mataong emergency centers sa pagtulong sa paglilipat sa may 300 pamilya sa transitional sites na makatatanggap ng mga kagamitan na makapagtayo ng mga tahanan.
Idinagdag pa ni Ambassador Ledoux, magkakaroon ng malinis na tubig ang mga biktima at magkakaroon din ng mga sanitation at hygiene program. Tutugunan ang mga problema sa posibilidad ng pagkalat ng mga sakit na dala ng tubig sa pamamagitan ng pagtatayo ng sanitation facilities at paglilinis ng septic tanks. Kikilos ito sa pamamagitan ng water and sanitation committees.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |