|
||||||||
|
||
Mga mangangalakal na mula sa Canada interesado sa Pilipinas
PAGBABAGO, KAILANGAN. Ito ang sinabi ni G. Julian Payne, pangulo ng Canadian Chamber of Commerce of the Philippines sa isang panayam sa pagdiriwaing ng ika-147 taon ng pagkakatatag ng bansang Canada. Binanggit niya ang iba't ibang larangang kailangang isaayos ng Pilipinas upang makapasok ang mga mangangalakal. (Melo M. Acuna)
MARAMING mga negosyanteng mula sa Canada ang umaasang makikipagkalakal sa mga Pilipino sa pinakamadaling panahon. Ito ang pahayag ni Julian H. Payne, Pangulo ng Canadian Chamber of Commerce of the Philippines sa pagdiriwang ng ika-147 na taong pagkakatatag ng Canada.
Sa isang panayam, sinabi ni G. Payne na kamakailan ay dumalaw sa Pilipinas ang isang business delegation mula sa Winnipeg at nakipag-ugnayan sa mga negosyanteng Filipino. Ang mga mangangalakal na ito ay kinabibilangan ng second generation Filipinos, mga isinilang sa Canada mula sa mga magulang na naging immigrant sa Canada noong dekada sisenta.
May 800,000 mga mamamayan sa Canada na may dugong Filipino at 3% na sila ng mga mamamayan ng isa sa mauunlad na bansa sa daigdig. Inamin ni G. Payne na nagmula ang kanilang kaunlaran sa paggamit ng likas na yaman ng kanilang bansa tulad ng paggamit ng mina. Napangalagaan nila ang kanilang kapaligiran kaya't nakatitiyak silang magdudulot din ng mabuti ang pagmimina kung susundin ang tamang alituntunin at pamantayan.
Nakatuon ang pansin ng Canada sa Pacific kaya't mas maraming darating ng mga mangangalakal sa iba't ibang bansa sa Asia na kinabibilangan ng Tsina, Indonesia at maging Vietnam.
Makahahabol ang Pilipinas sa mga kalapit bansa sa pag-akit ng Foreign Direct Investments kung magkakaroon ng pagluluwag sa mga alituntunin tulad ng mga probisyon sa Saligang Batas na sumisikil sa pagpasok ng mga banyagang bahay-kalakal. Makatutulong din kung mababawasan ang gastos sa pagtatayo ng mga bahay kalakal.
Idinagdag pa ng pangulo ng Canadian Chamber na isang problema pa rin ang judicial system sa Pilipinas sapagkat matagal bago magkaroon ng desisyon sa mga usaping nasa hukuman. Isang problema pa rin ang pagbabago-bago ng desisyon sa mga usaping inihain sa mga hukuman. Wala umanong consistency sapagkat ang desisyon ngayon ay maaaring magbago bukas o sa madaling hinaharap.
Kakulangan din ng infrastructure ang isang problema tulad ng NAIA 1 na hindi na nagbago. Ang truck ban ay sintomas lamang ng mas malaking problema sa Port of Manila sapagkat kailangang maghintay ang mga barko o malipat ng ibang daungan na siyang magpapahirap sa kalakal at magdaragdag sa gastos ng mga mangangalakal.
Ang katiwalian ay isang bagay ding dapat masugpo sapagkat ang anumang magagastos sa panunuhol ang magpapataas ng gastos sa kalakalan na magiging dahilan upang maghanap ng ibang patutunguhan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |