|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pag-iingat sa MERS-Corona Virus, kailangan

IBAYONG PAG-IINGAT SA MERS-CORONA VIRUS KAILANGAN. Ito ang binigyang pansin ni Dr. mark Jacobs ng World Health Organization sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kanina. Kailangang maghugas ng kamay at umiwas na umubo at bumahin ng walang takip ang bibig at ilong. (Melo Acuna)
IMINUNGKAHI ni Dr. Mark Jacobs, Director ng World Health Organization hinggil sa mga nakahahawang karamdaman ang ibayong pag-iingat laban sa MERS-Corona Virus. Hindi naman komplikado ang panglaban sa karamdaman sapagkat ito'y mangangailangan lamang ng paghuhugas ng kamay at pagtatakip ng bibig at ilong sa oras na maubo o mabahin.
Sa isang press briefing para sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FoCAP), sinabi ni Dr. Jacobs na mayroon nang 297 katao ang nasasawi dahilan sa karamdaman mula sa higit sa walong daan kataong nagkaroon ng sakit na ito.
Nagmumula ang karamdaman sa mga taong nagkaroon ng contact sa mga maysakit tulad ng mga manggagawa sa mga pagamutan sa Gitnang Silangan. Natatagpuan din ang MERS – Corona Virus sa mga kamelyo. Bagaman, mayroong mga taong may impeksyon subalit hindi nakikita ang sintomas ng karamdaman.
Walang dapat ipangamba sapagkat mabagal naman ang pagkalat nito maliban sa mga taong nasa pagamutan at madalas makalanghap ng body fluids, kabilang na ang ihi ng kamelyo.
Ipinaliwanag ni Dr. Jacobs na batid ng Saudi Arabia ang kanilang gagawin upang maiwasan ang pagkalat nito sa panahon ng Hajj sa Mecca. Ipinaliwanag pa ni Dr. Jacobs na sa lahat ng matataong pook maaaring sumiklab ang karamdaman maging sa Hajj o sa World Cup. Walang dapat ipangamba sa MERS-Corona Virus sapagkat hindi ito madaling kumalat.
Sa mga taong hindi mapipigilan sa kanilang paglalakbay, makabubuting sumunod sa basic hygiene requirements tulad ng mas madalas na paghuhugas ng kamay. Hindi na rin kailangang magkaroon pa ng patnubay sa mga bansang daratnan ng mga galing sa Gitnang Silangan sapagkat alam na nila ang nararapat gawin.
Ani Dr. Jacobs, kailangang iwasan ang pagkalat ng body fluids sa pagbahin at pag-ubo upang huwag nang kumalat ang karamdaman.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |