|
||||||||
|
||
Koordinasyon, kailangan
KOORDINASYON KAILANGAN. Sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan (pangalawa mula sa kaliwa) na kailangan ang koordinasyon sa pagpasok ng anumang donasyon para sa mga biktima ng kalamidad. Ito ang kanyang mensahe kay Bb. Helen Clark (pangalawa mula sa kanan), ang Administrador ng United Nations Development Program (UNDP) sa kanilang pulong sa New York kamakailan. (NEDA Photo Service)
SINABI ni Kalihim Arsensio M. Balisacan ng National Economic and Development Authority na ang mga donasyon at development assistance mula sa iba't ibang bansa ay nararapat may koordinasyon sa pamahalaan sa paggamit ng country systems upang maiwasan ang magkakahalintulad ng gawain at pagdodoble ng mga proyekto.
Ginawa niya ang pahayag sa Roundtable on Mainstreaming Disaster Risk Reduction in Development sa Fourth Biennial High Level Meeting ng Development Cooperative Forum sa United Nations Headquarters kamakailan lamang.
Ani G. Balisacan, ang paglampas sa country systems at kawalan ng koordinasyon sa pamahalaan ang nagpapahirap sa mga pamahalaang lokal na inaatasang magpatupad nito. Lumalabas na may kompetisyon sa pamahalaan sa kailangang manpower at iba pang logistical resources.
Ito rin ang kanyang mensahe sa kanyang pakikipagpulong kay Helen Clark, ang United Nations Development Programme (UNDP) Administrator sa New York. Ani G. Balisacan, kahit gaano pa kalaki ang pinsala, hindi magiging makatwiran na 'di kilalanin ang sistemang ipinatutupad ng pamahalaan upang tumugon sa trahedya.
Hindi umano nakatutulong ang kawalan ng koordinasyon sapagkat hindi mapapanagot ang pamahalaan at magiging dahilan ng inefficiency sapagkat ang external resources ay maaaring hindi ayon sa mga prayoridad ng pamahalaan. Nawawalan umano ng kakayahan ang mga pamahalaang pambansa at lokal sapagkat hihinha ang mga inisyatibo at local arrangements at iba pang aspeto.
Ang pagbawi ng kalakal sa mga apektadong pook ay kasing halaga ng pangangailangan ng mga karaniwang mamamayan.
Samantala, sinabi ni Bb. Órla Fagan, Public Information Officer ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs sa Pilipinas na nakikipagtulungan sila sa pamahalaan sa lahat ng pagkakataon at mayroong napakagandang relasyong namamagitan.
Ang Humanitarian Country Team ay binubuo ng mga ahensiya ng United Nations at mga kinatawan ng Non-Government Organizations community na naglilingkod kasama ng mga kawani ng pamahalaan.
Bagaman, sinabi ni Bb. Fagan na maaaring mayroong mga NGO o individual donors na naglilingkod sa labas ng Humanitarian Country Team. Nananawagan ang OCHA na mas magiging maganda ang pagtulong kung magkakaroon ng koordinasyon sa pagtugon sa mga pangangailangan upang mapalawak ang benepisyo ng mga higit na nangangailangan nito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |