|
||||||||
|
||
Bilang ng may HIV, nadagdagan
SA inilabas na impormasyon ng National Epidemiology Center ng Department of Health ngayon nabatid na mayroong 585 bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus at Acquired Immuno-Deficiency Syndrome noong nakalipas na buwan ng Hulyo.
Sa datos noong nakalipas na Hulyo, 36 sa mga bagong HIV cases ang lumala at umabot sa full-blown AIDS, ang karamdamang nagpapahina sa immune system ng isang may karamdaman.
Ang bilang ng mga nagkasakit ang pinakamataas sa loob ng isang buwan. Labing-pito ang nasawi dahilan sa AIDS at nabatid na pawang kalalakihan ang naging biktima.
Sa datos noong Hulyo ng 2013, umabot sa 449 lamang ang naitala subalit humigit ito ng 136 kaso ngayong 2014. Sexual contact ang dahilan ng 551 kaso ng HIV at AIDS samantalang ang paggamit ng droga ay umabot lamang sa 34 na kaso.
Umabot sa 276 na kaso ang natamo dahilan sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki, 175 ang sa pamamagitan ng bisexual contact at 100 ang dahilan sa heterosexual contact.
Ang National Capital Region ang nagkaroon ng pinakamataas na HIV/AIDS incidence sa bansa sa pamamagitan ng 41 %, CALABARZON na may 17% at Central Visayas na nagtamo ng 11%. May 61 mga overseas Filipino workers ang nagkaroon ng HIV/AIDS. May 60 sa mga ito ang sa pamamagitan ng sexual contact at isa ang dahilan sa pag-iiniksyon ng droga.
Mayroong 7,172 mga Filipino ang may AIDS at nasa Anti-Retroviral Therapy. Nagkaroon na ng 19,915 kaso ng HIV/AIDS sa Pilipinas mula 1984 hanggang 2014.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |