Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Posibilidad ng pagputok ng Mayon, nananatili pa

(GMT+08:00) 2014-10-09 17:07:26       CRI

Special Report

Posibilidad ng pagputok ng Mayon, nananatili pa

BULKANG MAYON, PATUNGO SA ISANG PAGSABOG. Ito ang sinabi ni Resident Volcanologist Dr. Ed Laguerta ng Ligñon Hill Observatory sa isang exclusive interview sa Albay Public Safety and Emergency Management Office kanina. Marapat lamang na mag-ingat ang mga mamamayan kaya't inilikas at dinala sa 46 na evacuation centers. (Melo M. Acuna)

PULISYA, NAGBABANTAY SA EVACUATION CENTERS. Sinabi ni Sr. Supt. Marlo Meneses na aktibo ang pulisya sa pagbabantay sa mga evacuation center upang maiwasan ang kriminalidad. Aktibo rin ang Children's and Women's Desk at nag-iikot sa mga kinalalagyan ng mga biktima upang maturuan ng mga paraan sa pag-iwas sa krimen. (Melo M. Acuna)

HANDA ANG DARAGA NORTH ELEMENTARY SCHOOL. Ayon kay OIC Federico Espinas, Jr. may 38 mga silid-aralang nakalaan sa mga lilikas sa oras na ideklara ang Alert Level 4 sa bulkang Mayon. (Melo M. Acuna)

MALAKI ang posibilidad na sumabog ang bulkang Mayon sa mga susunod na araw. Ito ang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa ginawang briefing sa Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa Lungsod ng Legazpi kanina.

Sinabi ni Dr. Paul Alanis, isa sa mga opisyal ng PHIVOLCS sa Ligñon Hill Observatory, na napuna nila ang pamamaga ng bulkang Mayon ng may 4.21 millimeters kung ihahambing sa dating sukat nito. Kung susumahin ang pagbabago sa sukat ng dalisdis ng bulkan, aabot ito ng may hanggang 17 millimetro sa pagsusukat nila noong Agosto.

Patuloy umanong umaakyat ang magma mula sa ilalim ng lupa. Sa pagkakaroon ng lava dome sa bibig ng bulkan, nasasagkahan nito ang paglabas ng kumukulong putik at mga usok na nagmumula sa ilalim ng lupa.

Sa isang eksklusibong panayam, sinabi naman ni Dr. Ed Laguerta, resident volcanologist sa Ligñon Hill Observatory sa Legazpi City, bagama't tila walang nagaganap sa bulkang Mayon kung pagmamasdan, mayroong abnormalidad na nagaganap sa loob ng 2,462 metrong mala-salakot na bulkan.

Idinagdag pa ni Dr. Laguerta na umaasa silang patungo pa rin ito sa tuluyang pagputok kahit pa tila nananahimik ang bulkan sa nakalipas na isang linggo. Sa loob ng tatlong linggo, may pitong millimetro ang ipinamaga ng bulkan.

Sa maikling panahon, nagbago ang hugis ng bulkan. Nadarama nila sa pagsusuring gumagalaw ang magma mula sa ilalim ng lupa.

Samantala, sinabi ni Albay Provincial Fire Marshall Arturo Alaba na umabot na sa 185 pagrarasyon ng tubig ng kanilang firetrucks sa 46 na evacuation centers sa lalawigan.

Bukod sa mga fire hydrant ng water districts, kumukuha ang mga bumbero ng tubig sa mga balon upang ihatid sa mga evacuation center. Subalit sinabi ni C/Insp. Alaba na ang tubig na kanilang inihahatid ay panglinis, panglaba at pangpaligo lamang at hindi maiinom.

Mga pamahalaang lokal naman ang bahala sa tubig na maiinom ng mga nasa evacuation centers.

Aktibo ang Children's and Women's Welfare Desks sa mga evacuation centers upang maiwasan ang mga panghahalay. Ito ang sinabi ni PSr. Supt. Marlo Meneses, Albay Provincial Police Director sa isang panayam. Sa likod ng mga paglilikas ng mga residente sa may 46 na evacuation centers, nabawasan ang bilang ng mga krimen tulad ng mga pagnanakaw at panghahalay.

Idinagdag pa ni Sr. Supt. Meneses na mayroon silang sapat na mga tauhang magbabantay sa mga evacuation center sa mga apektadong bayan.

Sa patuloy na pagbuhos ng ulan kaninang umaga, sinuspinde ni Gobernador Jose Sarte Salceda ang klase sa mababang paaralan at mga high school sa lalawigan upang maiwawasan ang pagkakasakit.

Handa ang mga taga-Daraga North Central School na maging evacuation center sa oras na itaas sa Alert Level 4 ang kalagayan ng bulkang Mayon. Mayroong 38 classrooms ang nakalaan bilang evacuation centers.

May sapat ding palikuran ang paaralan. Inamin ni Officer-In-Charge Federico Espinas, Jr. na malaki rin ang epekto ng pagdagsa ng mga mamamayan sa kailang paaralan sapagkat mayroon din silang sariling mga mag-aaral.

Hindi magkakaroon ng multi-grade approach sapagkat umaabot sa 50 ang bilang ng mga bata sa bawat silid-aralan.

1 2 3 4
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>