|
||||||||
|
||
Partido Komunista ng Pilipinas, nagdeklara ng ceasefire
NAGDEKLARA ng kanilang bersyon ng tigil-putukan ang Communist Party of the Philippines na napapahanon sa Kapaskuhan, Bagong Taon at pagdalaw ni Pope Francis.
Magkakaroon ng ceasefire ang CPP at NPA mula 12:01 ng umaga sa ika-24 ng Disyembre hanggang sa 11:59 ng gabi sa ika-26 ng Disyembre. Magpapatupad silang muli ng ceasefire mula 12:01 ng ika-31 ng Disyembre hanggang 11:59 ng Enero uno 2015.
Magpapatupad rin sila ng tigil putukan mula 12:01 ng umaga ng ika-15 ng Enero hanggang 11:59 ng ika-19 ng Enero 2015.
Inatasan ng Communist Party of the Philippines ang New People's Army na huwag manalakay laban sa mga tauhan ng militar, pulisya at para-military groups ng pamahalaan.
Sa kanilang pahayag, inilabas ang kautusan bilang pakikiisa sa mga Filipino sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon. Kasabay din ito ng pagdiriwang ng Communist Party of the Philippines sa ika-26 ng Disyembre.
May tigil-putukan din sa paggalang sa pagdalaw ni Pope Francis na inaasahan ng mga mamamayan bilang opostunidad ng pagdiriwang at mailabas din ang mga isyu tulad ng pag-abuso ng mga kawal at paglabag sa karapatang pangtao at maging karapatan ng mga kabataan, Hacienda Luisita at kawalan ng lupain, kahirapan at paglimot ng pamahalaan sa mga nakaligtas sa mga trahedya at mga mahihirap.
Ayon sa pahayag, handang magtanggol ang New People's Army ng kanilang nasasakupan. Magbabantay sila sa anumang pagkilos at pananlakay ng mga kawal at pulis.
Unang nagdeklara ng tigil putukan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Pambansang Pulisya sa kahalintulad na mga dahilan. Ayon sa pagtataya, may 4,000 mga guerilyang kasapi ng New People's Army na ang karamiha'y nasa Mindanao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |