|
||||||||
|
||
Paliwanag ng Cebu Pacific, pinagdududahan
HINDI kumbinsido ang mga imbestigador ng pamahalaang nagsusuri sa mga naganap na pagkakakansela at pagkabalam ng mga biyahe ng Cebu Pacific mula noong ika-24 hanggang ika-26 ng Disyembre.
Sa pahayag ng Department of Transportation and Communications, naghanap na ng sariling datos ang ahensya upang ihambing sa detalyes ng mula sa Cebu Pacific. Inaalam kung ilan ang mga apektadong pasahero, mga rutang apektado ng kanselasyon at pagkabalam ng paglalakbay at buong bilang ng mga upuan at mga naipagbiling upuan sa mga pasahero at nailipad upang mabatid kung sumubra ang kanilang booking.
Binubuo ang lupon ng mga kinatawan ng Civil Aeronautics Board (CAB), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA). Autorisado ang CAB na maggawad ng multa, suspensions at pagtatanggal ng prangkisa kung kinakailangan.
Ipinaliwanag ni Kalihim Joseph Emilio Aguinaldo Abaya na sinisisi ng Cebu Pacific ang lubhang dami ng mga eroplanong naglalakbay subalit hindi ito suportado ng datos.
Anim na biyahe ang dumating ng huli sa takdang panahon samantalang walang congestion noon. Ang pagkabalam ng mga biyahe ang dahilan ng pagkaka-apekto sa mga susunod na biyahe.
Ibinalita pa ni Kalihim Abaya na noong umaga ng Biyernes, ika-26 ng Disyembre, dadalawang domestic passenger counters ang may tao at nagkaroon lamang ng mga kawani pagsapit ng ika-11 ng umaga matapos makialam ang mga opisyal ng CAB at MIAA.
Mula sa 145 biyaheng nakatakda noong Miyerkoles, 138 ang nailipad, nagdagdag sila ng anim na biyahe, 138 ang naantala samantalang 13 ang kanselado. Noong Pasko, ika-25 ng Disyembre, 149 na biyaheng nakatakda, tatlo ang kanselado, nagdagdag sila ng limang biyahe, 151 ang nailipad samantalang 79 ang nabalam o naantala. Noong Biyernes, ika-26 ng Disyembre, mula sa 145 biyaheng nakatakda, nailipad bila ang 146, apat ang kanselado, nagdagdag ng limang biyahe samantalang nabalam ang 107 biyahe.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |