|
||||||||
|
||
Dapat isuko ng MILF si Usman at mga rebeldeng sangkot sa krimen
HINAMON ni Senate President Franklin M. Drilon ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front na ipakita ang pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsusuko sa mga autoridad ng mga sangkot sa pamamaslang sa mga pulis ng Special Action Force.
Ipinasusuko ni Senador Drilon si Commander Basit Usman ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at lahat ng nakapaslang sa mga pulis noong nakalipas na araw ng Linggo.
Anang Senador, mananatili ang pagkilala sa katapatan ng mga MILF kung maisusuko nila ang mga nasangkot sa malagim na insidente. Nararapat lamang makipagtulungan ang mga MILF sa pamahalaan sa pagsisiyasat at pagbibigay ng katarungan sa mga napaslang. Sa oras na maganap ang pagsusuko, makikita ng madla ang katapatan ng MILF.
Idinagdag pa niyang isang pagsubok ito sa katapatan ng MILF at pagtitiwala sa peace process sa bahagi ng pamahalaan at ng mga mamamayan.
Ani Senador Drilon, ang operasyon ng pulis noong Linggo ay isang pagkakataong madakip si Usman at si Marwan subalit naudlot ang pagpapatupad ng batas at napaslang pa ang mga alagad ng batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |