Mga kaibigan, kapag sinabing Martial Fitness Training (MFT), Muay Thai at Mixed Martial Art sa Tsina, isa po sa mga pinaka-kilalang personahe ay si Vince Soberano. Si Vince ay tubong Iloilo, at sa maniwala po kayo o hindi, ang unang martial art na kanyang pinag-aralan ay walang iba kundi Arnis, ang ating Pambansang Laro at Panlaban. Ito ay itinuro sa kanya ng kanyang ama. Si Vince ay 8 time world champion ng Muay Thai at nag-iisang lisensyado at awtorisadong promoter ng World Professional Muay Thai Federation (WPMF) at Professional Boxing Association of Thailand sa Tsina. Noong 2005, isa si Vince sa mga nag-organisa at nagturo sa kauna-unahang Chinese delegation ng Mixed Martial Art sa Universal Reality Combat Championship (URCC),na idinaos sa Araneta Colliseum, Cubao. Sa kabutihang palad, lahat po ng mga tinuruan ni Vince ay nanalo. Sa kasalukuyan, abala si Vince sa pagpapalaganap ng kulturang Pilipino sa Tsina at pagtulong sa mga boksingerong Pinoy na magkaroon na mabuting kinabukasan. Bukod pa riyan, ipino-promote din ni Vince ang Martial Fitness Training (MFT), ito ang brainchild at isang fitness system na nakabase sa Muay Thai. Ang MFT ay isang sistemang ginawa upang pabutihin at pagandahin ang pangangatawan ng mga ordinaryong tao. Hindi po ito Taebo. Ang MFT ay Muay Thai physical conditioning system, na may authentic na technique at mga galaw na idinisenyo upang ang sinumang gagawa nito ay magkakaroon ng magandang hubog ng pangangatawan at maisasakondisyon ang kalusugan. Kamakailan ay nagkaroon po tayo ng pagkakataon na kapanayamin si Vince. Pakinggan po natin ang kanyang kuwentong Tsina.