|
||||||||
|
||
Melo 20150225
|
Pito ang nasawi, 23 ang sugatan sa sagupaan sa Sulu
NAKASAGUPA ng mga tauhan ng Joint Task Group Sulu sa ilalim ni Lt. Col. Orgene Boquio ng Philippine Army ang may 300 tauhan ng Abu Sayyaf na pinamumunuan ng isang Hatib Hajan Sawadjaan sa Barangay Tanum, Patikul, Sulu.
Ayon sa ulat ng AFP-Western Mindanao Command, nagpadala ng reinforcements ang Joint Task Force ZamBaSulTa bago sumapit ang ika-sampu ng umaga. Ito ang sinabi ni Ensign Chester Ian Ramos ng Philippine Navy.
Lima ang nasawi sa panig ng Abu Sayyaf, 14 ang sugatan samantalang dalawang kawal ng pamahalaan ang nasawi at may siyam na iba pang sugatan na dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Ayon kay Colonel Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu, ang operasyon ay sa pinagsanib na lakas ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at mga pamahalaang lokal sa pagtugis sa mga armadong may kinalaman sa serye ng mga kidnapping at iba pang kaguluhan sa Sulu at mga kalapit lalawigan.
Sinabi naman ni Captain Antonio Bulao ng Joint Task Group Sulu, may koordinasyong naganap sa pamahalaang panglalawigan bago inilunsad ang operasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |