|
||||||||
|
||
20150305ditorhio.m4a
|
Mga kaibigan, kakatapos lang po ng Spring Festival Break at mahabang bakasyon dito sa Tsina. Alam po ninyo, ang Spring Festival po kasi ang pinakamahalagang pagdiriwang para sa mga Tsino, at ito ang katumbas ng ating Pasko't Bagong Taon.
May isang linggong bakasyon ang lahat ng mamamayan sa tuwing darating ang panahong ito. At tulad din ng Pasko't Bagong Taon sa atin sa Pilipinas, nandiyan ang sangkatutak na party, kainan, at syempre, inuman.
Kaya naman, pagkatapos ng Spring Festival vacation, marami ang tumataba at tumataas ang timbang.
Pero, alam po ba ninyo, hindi nag-aalala ang mga Tsino at ating mga kababayang naririto sa Tsina kahit tumaas ang kanilang timbang pagkatapos ng bakasyon, dahil may isang Pinoy na naririto sa Tsina, na espesyalista sa pagpapababa ng timbang.
Siguradong, pagkatapos ng ilang sesyon sa kanya, busted na ang taba at balik sa normal ang inyong timbang.
Ito po ay ginagawa niya sa pamamagitan ng isang exercise program na kung tawagin ay Muay Thai Fit.
Isa po itong uri ng programang nakabase sa martial art na Muay Thai at hinaluan ng High Intensity Interval Training (HIIT) na garantisadong magpapa-knock-out sa inyong timbang.
Si Tata Galindez ay isa sa iilang mga Pinoy (laowai) na naririto sa bansa na nagbibigay ng karangalan at nagpapakilala sa ating bayan sa larangan ng palakasan.
Siya ay isang beteranong boksingero, Muay Thai fighter at Mixed Martial Artist (MMA), kapuwa sa Pilipinas at dito sa Tsina.
Sa ngayon, isa po siya sa mga magagaling na Pilipinong fitness coach at fighter ng Black Tiger Muay Thai Gym Beijing, na pag-aari naman ng Pinoy na 8x World Muay Thai champion at advocate ng ating pambansang larong Arnis, na si Vincent Soberano.
May ilang taon na rin po sa Tata rito sa Beijing at kamakailan ay nasuwertehan natin siya sa kanyang gym.
Siyempre, hindi po natin pinalampas ang pagkakataong ito, pakinggan po natin ang kanyang kuwento.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |