|
||||||||
|
||
Pollution monitors, kailangang ibalik
ISANG iginagalang na pulmonologist ang nanawagang ibalik ang pollution monitors sa mga estratehikong pook sa Metro Manila upang mabatid ng lahat ang kalagayan ng hangin sa kapaligiran.
Ito ang sinabi ni Dr. Teresita De Guia, Chairman ng Chronic Obstructive Pulmonary Disease Foundation, sa paglulunsad ng dual bronchodilator ng Novartis Philippines kanina.
Ayon sa dalubhasang manggagamot, kailangang maibalik ito sapagkat namumulat ang madla sa kahalagahan ng malinis na hangin sa Kalakhang Maynila.
Bagama't karaniwang nagmumula sa paninigarilyo ang COPD, lalong lumalala ito sa oras na madagdagan ang panganib kung may maduming usok at hangin. Mayroong pagsusuri ang Asian Development Bank noong nakalipas na taon na nagsasabing may epekto sa kalusugan ng mga mamamayan ang power plants na nakatayo sa iba't ibang bahagi ng rehiyon.
Sa Pilipinas, karamihan ng mga planta ng kuryente ay mga coal-fired power plants.
Samantala, idinagdag pa ni Dr. De Guia na wala pang nagagawang pagsusuri ang pamahalaan kung bumaba na ang benta ng sigarilyo sa bansa sa pagpapataw na mas mataas na buwis sa ilalim ng "sin tax law."
Ipinaliwanag pa ni Dr. De Guia na sa Pilipinas, karaniwang nakabibili ang tsuper ng jeep ng isa o dalawang stick ng sigarilyo sa kanyang pamamasada kaya't hindi nadarama na mas mahal ito kaysa dating presyo.
Ayon sa Novartis, ang COPD ay isang major health issue sa Pilipinas sapagkat mayroong isa sa bawat lima katao (mula 14 haggang 20%) ang nagtataglay nito. Umaabot lamang sa 3% ng mga may COPD ang kumukunsulta sa manggagamot samantalang may 50% ang hindi nakababatid na mayroon silang karamdaman, Karaniwang sintomas nito ang pangangapos ng hinga na makasasama at makapipinsala sa kanilang karaniwang ginagawa tulad ng pag-akyat sa hagdan o pagbangon sa higaan.
Ang masaklap pa nito ay umaabot sa 28.3% o 17.3 milyong Filipino mula sa edad na 15 taong gulang pataas ang humihithit ng sigarilyo. May 47.7% o 14.6 milyon ang kalalakihan samantalang 9.0% o 2,8 milyon ang kababaihan. Karaniwang ikinasasawi ang COPD dahil sa paninigarilyo at ang pagkakaroon ng cerebrovascular diseases.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |