|
||||||||
|
||
Recruiter ni Mary Jane Veloso, dinakip
SA isang kagulat-gulat na pangyayari, binitbit ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation si Maria Christina Sergio at ang kanyang kinakasamang si Julius Lacanilao samantalang nasa tanggapan ng Special Action Force ng Philippine National Police.
Isinailalim sa pagkakadakip ang dalawa matapos ituro ng mga magulang ni Mary Jane Veloso na sila ang nag-recruit sa biktima bago nadakip sa Indonesia noong April 2010 dahil sa pagdadala ng bawal na gamot.
Dinala sila sa tanggapan ng National Bureau of Investigation matapos ang paninirahan sa Philippine National Police ng may isang linggo sa ilalim ng protective custody matapos pagbantaang papatayin ng mga kamag-anak ni Mary Jane Veloso.
Laking gulat ni Sergio sa pangyayari.
Ayon kay Eric Nuqui, hepe ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI, may mga bagong kasong human trafficking at illegal recruitment ang ipinarating sa kanilang tanggapan at sa Department of Justice ng mga magulang ni Mary Jane at sampung iba pa.
Sinamahan sina Sergio at Lacanilao ng mga tauhan ng Special Action Force at mga abogado ng Public Attorney's Office sa pamumuno ni Atty. Howard Areza.
Ayon kay Atty. Areza, dinala ang dalawa ng mga tauhan ng PNP at sinamahan lamang nila. Hindi rin nila batid kung bakit dinala ang dalawa sa NBI.
Sinabi naman ni Bassit Sario, isang NBI executive officer, ang naunang kaso na ipinarating ng NBI na naging dahilan sa hindi pagkakaharap ni Mary Jane sa firing sqyad ay maaaring maibasura dahilan sa technicality.
Nais umano ng NBI na tumibay ang kanilang kaso sapagkat dadalawa lamang ang nagreklamo, ang biktima at ang kanyang mga magulang. Ang nagreklamo ay nararapat kaharap upang sumpaan ang kanyang reklamo. Sapagkat nakapiit si Mary Jane sa Indonesia, ang kanyang mga magulang na lamang ang siyang nagreklamo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |