|
||||||||
|
||
Pagsisiyasat sa paglabag sa mga batas, sisimulan na
SINABI ng pamahalaan na aalamin nila ang mga posibleng paglabag sa occupational safety standards ng Kentex Manufacturing Corporation kasunod ng pagkasawi ng higit sa 70 katao sa isang malaking sunog na nagsimula kahapon ng hapon.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. nagtutulungan na ang Department of Labor and Employment at Bureau of Fire Protection upang mabatid kung may paglabag sa safety regulations upang mapanagot ang kinauukulan.
Ayon sa datos ng Department of Labor and Employment, sumusunod ang Kentex sa occupational safety requirements hanggang noong nakalipas na Setyembre 2014.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, titiyakin ng kanyang tanggapan na ang mga biktima at mga pamilya ay makatatanggap ng social at labor justice.
Sa pamamagitan ng Bureau of Working Conditions, ang Occupational Safety and health Center at ang DOLE National Capital Region ang magsasagawa ng imbestigasyon upang mabatid ang pinagmulan ng sakuna.
Gumawa ng inspeksyon ang DOLE-NCR noong nakalipas na Enero 2014 at nabatid na ang boilers na ginagamit sa pag-iinit ay maayos ang katayuan.
Ayon kay Secretary Baldoz, hindi makapasok ang mga tauhan ng DOLE sa pagbiraka sapagkat may operasyon pa ang pulisya at mga bumbero. Nakahanda ang labor laws compliance officers at naghihintay na matapos ang operasyon ng bumbero at pulisya.
Nabatid na nagmula ang sunog sa pagwewelding sa main gate ng pabrika.
Makatatanggap ang mga naulila ng mga manggagawa ng P 20,000 funeral benefits at death pension benefit. Ang mga nakaligtas na kailangang magamot ay makatatanggap ng benepisyo hanggang sa 120 araw sa halagang P 200 bawat araw.
Ang mga nasugatan na mangangailangan ng rehabilitasyon ay walang anumang babayaran at posibleng mabigyan pa ng prosthesis.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |