|
||||||||
|
||
150702melo.mp3
|
SPECIAL REPORT
"Natabunan na ang isyu ng SAF 44..."
KAARAWAN NG ISA SA NAPASLANG NA KASAPI NG PNP SAF GINUNITA. Binabasbasan ni Fr. Angel Angeles ng Claretians ang puntod ni Police Chief Inspector Ryan B. Pabalinas sa Forest Lake Memorial Park sa Zamboanga City kahapon. Ito sana ang ika-32 kaarawan ng opisyal na napaslang sa Mamasapano noong Enero 25. nasa larawan din ang kanyang balo na si Erika (pangatlo mula sa kaliwa) at ang kanilang anak na si Camille, (pangalawa mula sa kaliwa). (Melo M. Acuna)
NALIMUTAN NA NG MEDIA AT MAMAMAYAN ANG SAF 44. Ito ang sinabi ni Ginang Erika Pabalinas, 26 na taong gulang sa isang eklusibong panayam ng CBCP Online Radio sa Zamboanga City kahapon. Natabunan na umano ng mga isyung politikal dahil sa nalalapit na halalan ang kanilang mapait na karanasan. (Melo M. Acuna)
NAGLULUKSA pa rin ang mga naulila ni Police Chief Inspector Ryan B. Pabalinas, higit sa limang buwan na ang nakalilipas ng maganap ang malagim na Mamasapano Massacre na ikinasawi ng 44 na tauhan ng PNP Special Action Force.
Kahapon sana magdiriwang ng kanyang ika-32 kaarawan ang yumaong police officer subalit nakabilang siya sa mga nasawi sa madugong sagupaan na ikinasawi rin ng 17 mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front at limang sibilyan.
Para kay Ginang Erika Pabalinas, hinahanap-hanap pa rin niya ang kanyang esposo. Kumukuha siya ng lakas ng loob sa kanilang anak na si Camille.
Hindi pa rin niya natatanggap ang naganap kahit pa pinagtatangkaan niyang maayos ang kanilang buhay na mag-ina. Magugunitang noong parangalan sa isang Misa sa Claret School sa Quezon City ang mga nasawing pulis, binanggit ni Erika, 26 na taong-gulang, na maghihintay sila ng katarungan mula sa pamahalaan.
"Natatabunan na ang naganap noong Enero ng mga isyu sa nalalapit na eleksyon," ayon kay Gng. Pabalinas. Sa politika na nakatuon ang pansin ng media at ng mga mamamayan.
Bagaman, umaasa pa rin siya na magagawa ng pamahalaan ang lahat upang maganap ang tuwid na daan. Maraming inialok na scholarships sa mga naulila subalit pag tinatawagan ng ibang mga naulila at nabalo, wala namang naibibigay.
Nauunawaan naman niyang hindi pa siya makikinabang sa benepisyong ito sapagkat nasa nursery school pa lamang ang tatlong taong gulang na si Camille.
"Bakit wala pa ring naibibigay na scholarship para sa kanila?" tanong ni Gng. Pabalinas.
Hinggil sa financial assistance, may mga naibigay na rin naman at may natatanggap na silang mga pensyon. Wala pang naibibigay na bahagi ng mga donasyon sapagkat napapalob pa ito sa isang bank account at hindi pa nagagawa ang mekanismo kung paano mapapaghatian ang mga nalikom na salapi.
Maghintay na lamang umano sila, dagdag pa niya.
Sinabi ni Gng. Pabalinas, marami ng ginawang pagsisiyasat, at tila wala nang patutunguhan ang mga imbestigasyon kaya't ipinagpapaubaya na niya sa pamahalaan ang isyu ng Special Action Force.
Itinutulak ng pamahalaan ang Bangsamoro Basic Law at para sa mga naulila ng mga pulis ng SAF, hindi nila maunawaan kung bakit iyon ang isinusulong ng pamahalaan.
Nanawagan siya sa pamahalaan na huwang babanggit ng mga halaga ng salapi na hindi naman natatanggap ng mga naulila sapagkat nagsisimula pa umano ng mga 'di pagkakaunawaan.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Retired Chief Inspector Nelson C. Pabalinas, isang dating kasapi ng Philippine Constabulary at naglingkod sa loob ng 34 na taon, sa tagal ng pangyayari, wala pang liwanag sa mga imbestigasyon bagama't may mga benepisyo, maghihintay na lamang siya ng kalalabasan ng tunay na imbestigasyon.
"Kahit propesyon nilang maging pulis, mayroong lapses (o pagkukulang) sa itaas sapagkat may sinasabi ang mga nasa itaas na mayroong "lack of coordination" at tumagal ng ilang oras bago nagkaroon ng responde (tugon) sa sagupaan.
"Ang problema lang ay bakit tumagal ng ilang oras hanggang namatay (sila) na wala man lamang klarong responde sa kanila," ayon pa kay G, Pabalinas.
Masakit para sa isang magulang na maisip ang panahong nasayang, walang mga reinforcement samantalang maaari pa sanang tumugon, dagdag pa niya.
Sa dami ng mga imbestigasyon, sinabi ni G. Pabalinas na marami na ang imbestigasyon subalit 'di nakarating sa dahilan ng sagupaan. Gusto niyang mabatid kung politika ba o iba pang dahilan ng naganap sa Mamasapano.
Para sa kanya, ang nararapat sisihin sa mga "loopholes" ay "ang nasa itaas." Lumalabas umanong ginamit lamang ang mga tauhan ng SAF at isinakripisyo. Katanggap-tanggap pa rin kung isa, dalawa o tatlo ang nasawi sa sagupaan sapagkat panahon na nila.
Hindi madaling tanggapin na 44 ang masasawi sa iisang insidente, dagdag pa ng ama ng napaslang na si Chief Inspector Ryan Pabalinas.
Subalit sinabi rin ng nakatatandang Pabalinas na kung ang pagsasakripisyo ng 44 na tauhan ng Special Action Force ang magiging susi sa kapayapaan sa Mindanao ay madali nilang matatanggap subalit isang malaking tanong ay kung bakit kailangang isakripisyo pa ang buhay ng mga tauhan ng pinagsanay na pulisya.
Para sa kanya, ang pagkasawi ng mga pulis ang pinakamalaking insidente sa kanyang gunita bilang isang dating kawal at pulis.
Idinagdag pa niya na mula ng siyang maglingkod sa Armed Forces of the Philippines hanggang sa masaklaw ng Philippine National Police, ang mga isyung ibinabato sa pamahalaan ay hindi pa rin nagbabago.
Nagretiro na lamang umano siya matapos ang 34 na taon, ay walang ipinagbago sa isinisigaw ng mga aktibistang isyu.
"Parang walang katapusan ang isyu sa Mindanao at sa buong bansa," dagdag pa niya. Ipinagtatanong tuloy niya kung sino ang nararapat managot sa mga pangyayaring ito. Para sa kanya, ang pinaka-lider ng bansa ang nararapat magpaliwanag.
Kung mawawala lamang ang "whitewash" sa mga imbestigasyon at mailabas ang katotohanan, hindi magaganap ang madugong insidente matapos magsakripisyo na ang 44 na pulis na kinabibilangan ng kanyang anak.
May pagkakataon pang ituwid ang mga maling nagawa at hanggang ngayon, ay walang umaamin sa tunay na naganap, hanggang sa kaso na lamang at walang kalalabasang katapusan kahit imano sa naganap sa "Board of Inquiry" ng Philippine National Police.
Malaking hiwaga para sa kanya ang naganap. Sa tanong kung umaasa siyang makakamtan ang katarungan, sinabi ng nakatatandang Pabalinas na ang naganap kay Senador Benigno S. Aquino, Jr. ay hindi pa rin nalulutas kahit pa naging pangulo na ng bansa si Pangulong Corazon at ang kanyang anak na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
"Ang ibig kong sabihin ay sino ba ang nasa likod ng mga pangyayaring ito? Sino ba ang nagdidikta sa atin?" ayon pa kay G. Pabalinas.
Kailangang magtulungan ang mga nasa ibaba sapagkat kung aasa sa mga nasa itaas ay walang makakamtan.
Hindi gasinong kumbinsido si G. Pabalinas sa Bangsamoro Basic Law sapagkat wala pa man umanong karapatang magtayo ng kanilang sandatahang lakas ay naganap na ang insidente sa Mamasapano.
"Ano pa kaya ang magaganap sa oras na maging batas na ang BBL? tanong ni retired Chief Inspector Pabalinas. Kahit pa umano may mga kampo na sila, malaking tanong kung paano sila nagkaroon ng maraming sandata at kaya nilang makipaglaban sa elite troopers ng PNP, paano pa kaya kung maging legal na ang kanilang Bangsamoro forces.
Baka umano dumating ang panahon na magkaroon sila ng "air support".
Malaki ang naging epekto sa kanya noong naganap kay General Teodolfo Bautista at 33 iba pa na naging biktima ng masaker sa Sulu sa pag-aakalang makakausap ang mga armadong Muslim.
Mayroong Kasaysayang nararapat balikan, mungkahi pa ni G. Pabalinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |