|
||||||||
|
||
151027melo.mp3
|
Pangulong Aquino, handang tumulong sa kanyang kahalili
PANGULONG AQUINO HUMARAP SA FOREIGN CORRESPONDENTS. Umaasa si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na susuportahan ng buong APEC member countries ang pagiging punong-abala ng Pilipinas sa pagpupulong ng mga pinuno ng 21 bansa. Naipadala na umano ang mga paanyaya sa iba't ibang lider ng bansa tulad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ito ang kanyang binanggit sa question and answer session sa Presidential Forum with FOCAP kanina. (Malacanang Photo/PCOO)
MATAPOS ANG SERYOSONG TANUNGAN, SELFIE NAMAN. Pumayag si Pangulong Aquino na magpakuha ng larawan sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines sa kanyang huling pakikipagpulong kanina. Naging tradisyon na ito sa FOCAP at sa Tanggapan ng Pangulo na magtalakayan minsan sa isang taon. Bababa na sa kanyang mula sa kanyang posisyon si G. Aquino sa huling araw ng Hunyo, 2016. (Malacanang Photo/PCOO)
SINABI ni Pangulong Beningo Simeon C. Aquino III na handa siyang tumulong sa kanyang makakahalili sa ika-30 ng Hunyo 2016. Sa Question and Answer portion ng Presidential Forum with the Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Pangulong Aquino na handa siyang tumulong sa kanyang makakapalit kahit pa hindi ang kanyang napipisil ang magwagi subalit, nilinaw niyang hindi siya magbibigay ng unsolicited advice.
Sa oras na hingan siya ng payo ay saka lamang siya magbibigay ng kanyang pananaw sa mga mahahalagang bagay.
Sa desisyon ng Estados Unidos na magpatrolya sa South China Sea, malapit sa mga kapuluang itinatag ng Tsina, niliwanag ni Pangulong Aquino na hindi masasapawan ng territorial disputes at security issues ang pinaghahandaang pagpupulong ng mga bansang kabilang sa Asia-Pacific Economic Cooperation sa susunod na buwan.
Hindi lamang ang Pamahalaan ng Pilipinas ang naghahanda para sa pagpupulong sa Nobyembre.
Pormal na umanong naiparating ang mga paanyaya sa iba't ibang pinuno ng APEC economies tulad ng paanyaya kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Buong suporta ang ipinarating ng Pilipinas sa pagiging punong-abala ng Tsina noong nakalipas na taon. Umaasa rin si Pangulong Aquino na susuportahan ng iba't iba't ibang bansa ang pagiging punong-abala ng Pilipinas ngayong taon.
Samantala, naniniwala si Pangulong Aquino na maipapasa pa ng Mababa at Mataas na Kapulungan ang Bangsamoro Basic Law kahit pa abala ang mga mambabatas sa nalalapit na halalan sapagkat magsama-sama pa ang mga senador at kongresista upang ipasa ang pambansang budget para sa 2016.
Sa tanong kung nagbabalak ba siyang mag-asawa sa pagtatapos ng kanyang termino bilang pangulo, sinabi ni G. Aquino na kahit hindi pa sumapit ang kanyang pagbaba sa ika-30 ng Hunyo 2016 ay gagawin niya ang pag-aasawa sa oras na matagpuan na niya ang tamang magiging kabiyak.
Sa katanungan kung nararapat bang humingi ng paumanhin ang pamahalaan sa may 70,000 mga biktima ng paglabag sa Karapatang Pangtao, sinabi ni Pangulong Aquino na ang pagkakaroon ng claims board ay isa nang pagkilala ng pamahalaan na nagkaroon ng isang bahagi sa kasaysayan ng bansa na may mga pag-abuso at ito ay naganap noong Batas Militar.
Mas magiging maganda kung hihingi ng paumanhin ang mga supling ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino na mapagpatawad ang mga Filipino kaya't mas madaling maghihilom ang mga naging sugat.
Naging maingat si Pangulong Aquino sa legal repercussions ng kanyang pahayag, tumanggi siyang akusahan ang yumaong Pangulong Ferdinand Maecos sa pagiging utak ng pagpaslang sa kanyang amang si Senador Ninoy Aquino Jr.
Subalit ipinaliwanag niya na sa kalakaran noong panahon ni Pangulong Marcos, naging maluwag ang mga paglabag sa Karapatang Pangtao kaya't nararapat lamang humingi ng paumanhin ang mga supling ng diktador laban sa mga mamamayan.
Samantalang sang-ayon siya na hindi nararapat sisihin ang mga supling sa kasalanan ng mga magulang, nararapat ding kilalanin nila ang mga problemang kinaharap ng mga mamamayan noong panahon nila.
Pumasok na rin lang sila sa politika at ang paglutas sa problema ay magaganap sa pag-amin ng nagkaroon ng problema. Narapat lamang na humingi sila ng paumanhin lalo pa't mapagpatawad ang mga Filipino.
Kung magkakaroon ng pagtanggi, hindi matatapos ang pagdadalamhati ng mga naging biktima ng Batas Militar mula noong 1972 hanggang 1986.
Hinggil sa political dynasties, sinabi ni Pangulong Aquino na binigyang-diin niya sa kanyang pinakahuling State of the Nation Address na kailangang ipasa ang panukalang batas sa isyung ito.
Nakita niya ang kababang-loob ni Pope Francis sa kanyang pagdadala ng kanyang sariling bag sa kanyang pagsakay sa eroplano pabalik sa Vatican. Nakita umano ni Pangulong Aquino ang pagod sa mga balikat ng Santo Papa sa kanyang pagtatapos ng pagdalaw sa Pilipinas.
Sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas noong Enero, sinabi ni Pangulong Aquino na higit na lumakas ang kanyang pananampalataya sapagkat hindi lamang pawang magaganda ang sinasabi ng Simbahan ngayon. Ipinaliwanag niyang nagsasalita ang Simbahan sa mga isyung nakaapekto sa halos lahat ng mga mamamayan.
Ipinakikita ng Simbahan na ginagawa nito ang kanyang ipinangangaral sa mga mananampalataya.
Higit umanong aktibo ang Simbahan sa mahahalagang usaping nakaapekto sa taongbayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |